BALIWAG CITY, BULACAN — Nagsilbing panauhing pandangal si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa Ika-17 Taunang Pagtatapos ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) noong Hulyo 28, 2026 sa The Chapters, Tangos, Lungsod ng Baliwag.
Sa kaniyang mensahe sa mga nagtapos ng Batch 2026, hinimok ni Atty. Taran ang mga bagong gradwado na panatilihin ang mapanuring pag-iisip at huwag hayaang madaig ng Artificial Intelligence (AI) ang kanilang sariling talino, kultura, at moralidad.
“Ang tunay na talino ay hindi ’yung marunong gumamit ng AI. Ang tunay na talino ay ’yung marunong mag-isip kahit may AI. Huwag kayong basta maniniwala, i-check niyo, i-compare niyo, at tanungin niyo: Tama ba ito para sa Pilipino? Para sa bayan ko?”
Binigyang-diin ng KWF Tagapangulo ang tatlong pangunahing habilin sa mga nagtapos: maging mapanuri, maging matatag at may integridad, at maging responsable at makabayan.
Ayon kay Taran, mahalagang suriin at usisain ang mga impormasyong ibinibigay ng AI at tiyaking kapaki-pakinabang ang mga ito hindi lamang sa sarili kundi maging sa bayan.
Hinimok din niya ang mga nagtapos na panatilihin ang katatagan at integridad, gamit ang matibay na batayang moral bilang sandata laban sa korupsiyon at mga hamon na dulot ng automation sa trabaho.
Samantala, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging responsable at makabayan sa pamamagitan ng pagmamahal, paggamit, at pagmamalaki sa Wikang Filipino sa lahat ng pagkakataon.
Para kay Atty. Taran, ang wika ay hindi lamang kasangkapan sa komunikasyon kundi salamin ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino—isang mahalagang bahagi ng pagkatao na dapat patuloy na pahalagahan sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinikayat niya ang Batch 2026 na gamitin ang kanilang kaalaman at teknolohiya nang may pananagutan, kritikal na pag-iisip, integridad, at pagmamahal sa bayan.