Naghahanda na ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa WorldSkills Philippines Clark 2026, kung saan maglalaban-laban ang pinakamahusay na kabataang skilled professionals ng bansa sa 30 larangan ng kasanayan.
Gaganapin ang kompetisyon mula Setyembre 7 hanggang 11, 2026 sa Clark Freeport Zone, Pampanga, na lalahukan ng tinatayang 350 nangungunang qualifiers mula sa regional Skills Olympics.
May temang “Your Skills, Your Future,” layunin ng kompetisyon na maipakita ang husay ng mga Pilipino at maihanda sila sa mga oportunidad sa lokal at pandaigdigang industriya.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, ipinapakita ng 30 skill areas ang pagsisikap ng ahensya na iayon ang technical vocational education and training (TVET) sa pandaigdigang pamantayan at sa nagbabagong pangangailangan ng industriya.
Kabilang sa mga larangan ang Information and Communication Technology, Manufacturing and Engineering Technology, Construction and Building Technology, Social and Personal Services, Creative Arts and Fashion, at Transportation and Logistics.
Ang WorldSkills Philippines ang pangunahing plataporma ng bansa sa pagpili ng mga susunod na kampeon na kakatawan sa Pilipinas sa mga rehiyonal at pandaigdigang kompetisyon ng WorldSkills.
Dating tinatawag na Philippine National Skills Competition, ang programa ay nakaayon na sa mga pamantayan ng WorldSkills International at naglalayong itaguyod ang kalidad, productivity, innovation at mas matibay na ugnayan ng pamahalaan, industriya at mga training institution.
Bahagi rin ito ng pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyang-kakayahan ang mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng globally competitive at industry-responsive na mga kasanayan.