MANILA — Patuloy na pinaiigting ng Philippine Red Cross (PRC) ang humanitarian response nito sa mga komunidad na apektado ng Southwest Monsoon o Habagat, habang patuloy na banta ang pagbaha sa ilang lugar sa Luzon.
Ayon sa PRC, hanggang Agosto 31, nakapamahagi na ang mga response team nito ng 35,551 hot meals, 17,254 tinapay at 2,818 three-day food rations sa mga apektadong pamilya.
Nakapagtayo rin ang PRC Safety teams ng 107 first aid stations, nagsagawa ng 918 vital signs monitoring at nakapagbigay ng first aid sa 250 indibidwal. Samantala, 624 katao ang nailigtas o natulungan sa paglikas ng Emergency Response Units.
Umabot naman sa 15,327 indibidwal ang natulungan sa health teaching, habang nakapagsagawa ng 649 health consultations at nakapagbigay ng 718 gamot, 783 doxycycline tablets at 20,909 facemasks.
Sa psychosocial at welfare assistance, nakapagbigay ang PRC ng psychological first aid sa 5,725 katao, habang 4,078 bata ang natulungan sa pamamagitan ng Child-Friendly Spaces.
Patuloy din ang hygiene at sanitation efforts ng PRC, kung saan 20,960 katao ang naabot ng hygiene promotion at 18,918 indibidwal ang nabigyan ng hygiene kits. Nag-deploy din ng water tanker sa Olongapo para sa flushing operations.
Kabilang sa mga lugar na patuloy na tinutugunan ng PRC ang Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Pampanga, Zambales, Cavite, Rizal, Metro Manila, La Union, Baguio at Batangas.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, nananatiling nakatutok ang organisasyon sa pagbibigay ng rescue, pagkain, serbisyong medikal, malinis na tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Sinabi naman ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang na hindi nagtatapos sa rescue at relief ang kanilang operasyon, dahil kailangan ding tugunan ang kalusugan, sanitation at psychosocial needs ng mga pamilyang apektado ng pagbaha.
Sa kabuuan, nakapagtala ang PRC ng 1,997 volunteer mobilizations, na kinasasangkutan ng 1,083 unique volunteers, kasama ang 147 mobilized staff hanggang Agosto 31.
Patuloy namang mino-monitor ng PRC ang mga apektadong komunidad upang maihatid ang tulong sa mga lugar na higit na nangangailangan.