SEARCA SCHOLARS, TULAK ANG RESEARCH MULA JOURNAL PATUNGO SA POLICY AT PAGBABAGO.

Beyond journal articles

LOS BAÑOS, Laguna—Dalawampu’t anim na graduate scholars mula sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture o SEARCA ang sumailalim sa limang araw na pagsasanay upang higit na magamit ang kanilang pananaliksik sa pagbuo ng mga policy brief, book chapter at iba pang paraan ng pakikipag-ugnayan sa publiko.

Isinagawa ang training na “Beyond the Journal Article: Scientific Writing for Policy and Wider Scholarly Engagement” noong Hulyo 27 hanggang 31, 2026 sa punong tanggapan ng SEARCA, katuwang ang University of the Philippines Los Baños College of Development Communication (UPLB CDC).

Dinaluhan ito ng mga master’s at PhD scholars mula sa Cambodia, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Pilipinas at Vietnam.

Ayon kay Dr. Maria Cristeta Cuaresma, Senior Program Head ng SEARCA Education and Collective Learning Department, layunin ng programa na hindi lamang palakasin ang kakayahang akademiko ng mga iskolar, kundi ihanda rin sila upang maging mga tagapagtaguyod ng napapanatiling pagbabago sa agrikultura pagbalik nila sa kanilang mga bansa at komunidad.

Binigyang-diin naman ni Assoc. Prof. Dr. Winifredo Dagli ng UPLB CDC na mahalaga pa rin ang mga journal article, ngunit hindi ito palaging pinakamabisang paraan upang maiparating ang mahahalagang resulta ng pananaliksik sa mga policymakers, practitioner at publiko.

Sa training, isinabuhay ng mga kalahok kung paano iaangkop ang siyentipikong datos sa pangangailangan ng iba’t ibang audience, kabilang ang pagbuo ng malinaw at evidence-based na rekomendasyon para sa mga hamon sa agrikultura.

Tinuruan din sila kung paano gawing mas makabuluhan at madaling maunawaan ang kanilang dissertation bilang mga book chapter, sa pamamagitan ng mas mahusay na pagkukuwento, pagbawas sa teknikal na jargon at pagpili ng lehitimo at mapagkakatiwalaang publication venues.

Sa pamamagitan nito, patuloy na pinatitibay ng SEARCA ang kakayahan ng mga susunod na lider na maiugnay ang siyentipikong pananaliksik sa pagbuo ng mga polisiya at konkretong pagbabago sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.

Facebook Comments