Jan 7, 2020 – Nasakote ng San Juan Police ang isang notoryus na akyat bahay na nakapambiktima na ng ilang kabahayan sa North Greenhills sa San Juan City.

Kaninang bandang alas dos ng hapon, iprinisinta ni San Juan Mayor Francis Zamora at ni San Juan Chief of Police Col Jaime Santos sa Media ang suspek na kinilalang si Joemarie  Aspra, 23 taong gulang, may asawa at may isang anak , nakatira sa #4 Sunrise St. Brgy. Bagong Lipunan Quezon City.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, nito lamang nakaraang Disyembre habang abala ang mga tao sa nalalapit na kapaskuhan, pinasok ng suspek ang kanilang kapitbahay na kung saan nakatangay ng ilang mahahalagang kagamitan. Ito umano ang naging dahilan para humingi siya ng permiso sa pamunuan ng subdivision na papasukin ang mga tauhan ng San Juan Police para makapagsagawa ng kaukulang inspeksyon sa lugar.   

Sa pagbabantay ng mga Police na umabot ng halos 7 oras, lumabas ang suspek na nagtatago pala sa isang bakanteng lote ng nasabing lugar para muling mambiktima ng kabahayan. Dito na siya hinuli ng mga autoridad na sa una ay nagpupumiglas pa ngunit hindi naman nagtangka pang lumaban. 

Nakuha sa suspek ang isang kalibre 38 na baril at inamin naman nito na inaakyat talaga niya ang target na bahay para pagnakawan. 

Ayon naman kay San Juan Chief Col Santos, batay sa kanilang hawak na record, si Aspra ay dati nang nakulong sa Quezon City jail sa kahalintulad na kasong pagnanakaw noong nakaraang Marso 2019.