Itinanggi ni Mayor Vico Sotto na mayroon ng novel corona virus (nCoV) sa Pasig City. Ayon kay Sotto, mayroon umanong balita  sa online na mayroon ng kumpirmadong kaso ng nCoV sa Rizal Medical Center, Medical City at sa Pasig City General Hospital. “May mga makakapal ang mukha na gumagawa ng fake news tungkol dito,” ayon kay Sotto. ” So far zero cases tayo pati yung persons under investigation,” paglilinaw pa nito.

Binigyang diin pa ni Sotto na kahit nawala pa ang kaso ng nCoV sa siyudad, lagi silang  handang rumisponde sa nakamamatay na virus. Ang lokal na pamahalaan umano ay maglalatag na rin ng  quarantine tents sa Pasig City General Hospital para sa mga taong makikitaan ng pag ubo o anumang sintomas. “Sa ngayon patuloy tayong naghahanda; yung hospital natin meron quarantine area. Sumusunod tayo sa DOH-prescribed na protocol. So, kung meron man nagpapakita ng sintomas handa tayo, alam natin kung ano ang kailangan gawin,” Ayon pa dito.

Sinabi pa nito na namigay na rin sila ng infrared thermometers sa lahat ng pampublikong paaralan sa siyudad. “Meron tayong infrared thermometer sa mga entrance ng schools, so kapag may lagnat yung bata kwena-quarantine muna tapos tatawagan yung mga magulang at pauuwiin sila for home quarantine,” paliwanag pa ni Sotto.

Ayon pa kay Sotto, hindi sila namigay ng face masks sa kanyang nasasakupan hangga’t hindi pa ito irenerekuminda ng World Health Orgazation na mag suot ng mask kung healthy pa ang mga tao. “Mas mahalaga maghugas tayo ng kamay at pag may nakita tayong may sipon at iba pang sintomas ng coronavirus lumayo po muna tayo at ireport natin sa otoridad. Actually baka maging sanhi pa yan ng sakit pag hindi properly disposed, so hindi talaga advisable na magbigay sa bawat isang tao ng face masks,” paliwanag pa nito.