ASEAN, hinimok palakasin ang seguridad sa pagkain sa gitna ng sunod-sunod na krisis

ajad paper

LOS BAÑOS, Laguna — Hinimok ng isang bagong pag-aaral ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na higit na palakasin ang kakayahang makabangon sa mga krisis sa pagkain sa halip na umasa lamang sa sariling produksyon upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa rehiyon.

Sa policy review na inilathala sa Asian Journal of Agriculture and Development (AJAD), binigyang-diin ang pangangailangang patatagin ang sistema ng suplay ng pagkain sa harap ng magkakasabay na krisis, kabilang ang pagbabago ng klima, sigalot sa pagitan ng mga bansa, pagtaas ng presyo ng enerhiya at pataba, mga banta sa agrikultura, paghihigpit sa kalakalan at suliraning pang-ekonomiya.

Ang pag-aaral na pinamagatang “ASEAN Food Security in an Era of Polycrisis: From Production-Centered Policy to Regional Resilience” ay isinulat ni Dr. Paul Teng ng ISEAS–Yusof Ishak Institute sa Singapore.

Ayon sa pag-aaral, nananatiling malaking suliranin ang kawalan ng sapat na pagkain at malnutrisyon sa Timog-Silangang Asya sa kabila ng pagiging isa nito sa mga pangunahing prodyuser at tagaluwas ng pagkain sa mundo.

Batay sa mga pagtataya ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) at mga katuwang nitong ahensya, tinatayang 14 porsiyento ng populasyon sa rehiyon ang nakararanas ng katamtaman hanggang matinding kawalan ng seguridad sa pagkain, habang 5.1 porsiyento naman ang kulang sa sapat na nutrisyon.

Ayon kay Teng, hindi sapat na sukatin ang seguridad sa pagkain batay lamang sa lokal na produksyon. Kailangan ding matiyak ang tuloy-tuloy na suplay, abot-kayang presyo, sapat na mga pangangailangan sa agrikultura at pangangalaga sa nutrisyon, lalo na sa panahon ng krisis.

Dahil magkakaiba ang kakayahan at pangangailangan ng mga bansang ASEAN—may malalaking tagaluwas ng pagkain habang ang iba ay umaasa sa inaangkat na produkto—iminungkahi ng pag-aaral na pag-ugnayin ang kanilang mga kalakasan sa halip na asahang kayang gumawa ng bawat bansa ng lahat ng kailangan nito.

Kabilang sa mga mungkahing hakbang ang pagpapanatiling bukas ng kalakalan ng pagkain sa loob ng ASEAN, pagpapalawak ng pinagkukunan ng inaangkat na produkto, pagtiyak sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan sa agrikultura, pagpapalawak ng produksiyong angkop sa pagbabago ng klima, at pangangalaga sa abot-kayang presyo at sapat na nutrisyon.

Iminungkahi rin ang mas malawak na pagtutulungan sa pagbabahagi ng datos, paghahanda sa sakuna, pananalapi at teknolohiya, gayundin ang paggamit sa mga umiiral na mekanismo tulad ng ASEAN Food, Agriculture and Forestry Sectoral Plan 2026–30, ASEAN Integrated Food Security Framework, ASEAN Food Security Information System, ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve at ASEAN Climate Resilience Network.

Gayunman, pangunahing hamon pa rin ang maayos na pagpapatupad at pag-uugnay ng mga programang ito upang maging epektibo sa panahon ng magkakasabay na krisis.

Binigyang-diin ni Teng na dapat magtuon ang ASEAN sa mga hakbang na mas mahusay nitong maisasagawa sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, kabilang ang pagpapanatili ng maayos na kalakalan, mabilis na pagbabahagi ng impormasyon, koordinadong pagtugon sa emergency, pagbabawas sa agwat ng kakayahan ng mga kasaping bansa at paghikayat ng karagdagang suporta mula sa mga panlabas na katuwang.

Ang AJAD ay isang internasyonal na refereed journal na tumatalakay sa agrikultura at kaunlaran sa Asya. Inilalathala ito ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA).

Facebook Comments