SWP, NANAWAGANG PONDOHAN ANG SMOKE-FREE AT VAPE-FREE BILL LABAN SA MALULUBHANG SAKIT

86929cd9-203e-4147-bd48-e1534c7c3e5d

Nanawagan ang Social Watch Philippines (SWP) sa mga mambabatas na tiyaking may nakalaang pondo ang panukalang Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill o House Bill No. 9603 upang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot ng mga malulubhang sakit.

Inaprubahan ng House Committee on Health ang panukalang batas noong nakaraang linggo, na naglalayong palakasin ang mga programa laban sa paninigarilyo at paggamit ng vape.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kalahati ng kabuuang gastusin sa kalusugan sa bansa noong 2025 ay napunta sa paggamot ng mga malalang sakit tulad ng sakit sa puso, kanser at mga karamdaman sa baga. Lumabas din sa datos na 41.2 porsiyento ng gastusing medikal ay direktang binabayaran mula sa sariling bulsa ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), kabilang ang paninigarilyo, paggamit ng vape at paglanghap ng usok ng sigarilyo at singaw ng vape mula sa ibang tao sa mga pangunahing maiiwasang sanhi ng naturang mga sakit.

Sinabi ni SWP Co-convenor Dr. Ma. Victoria Raquiza na magiging epektibo lamang ang mga batas laban sa paninigarilyo at vaping kung may sapat na pondong magagamit ang mga lokal na pamahalaan para maipatupad ang mga ito.

Sa ilalim ng HB 9603, iminumungkahing maglaan ng tatlong porsiyento ng Local Health Budget para sa pagkontrol sa tabako, kabilang ang pananaliksik, mga programa sa pagtigil sa paninigarilyo at vaping, pagsasanay at mga kampanya sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Kinikilala ng SWP na may mga lokal na pamahalaang limitado ang kakayahang maglaan ng karagdagang pondo. Gayunman, maaari pa rin nilang pondohan ang mga programa laban sa tabako sa pamamagitan ng mga umiiral na badyet at mandato.

Kabilang dito ang pagsasama ng mga smoke-free program sa mga pondong nakalaan para sa Non-Communicable Diseases (NCD), paggamit ng Special Health Fund (SHF) sa ilalim ng Universal Health Care Act para sa mga kampanya sa impormasyon, at paglalaan ng bahagi ng 20 porsiyentong Development Fund, lalo na sa mga LGU na may limitadong kakayahang pinansyal.

Maaari rin umanong gamitin ng mga LGU ang bahagi ng buwis sa alak, heated tobacco at vape na nakalaan para sa Sustainable Development Goals (SDGs) sa ilalim ng Republic Act No. 11467, partikular para sa SDG Target 3.a na nakatuon sa pagkontrol sa paggamit ng tabako.

Samantala, pinasalamatan ng SWP ang House Committee on Health, sa pamumuno ni Manila 4th District Representative Giselle Maceda, sa pagdinig at pag-apruba sa panukala sa antas ng komite kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month.

Hinimok naman ni Raquiza ang mga mambabatas na panatilihin ang mga probisyon sa paglalaan ng pondo habang nagpapatuloy ang pagtalakay sa panukala sa Kongreso at Senado.

Facebook Comments