QUEZON CITY — Pormal na inilunsad ng Task Force Kasanag (TFK) nitong Sabado, Nobyembre 21, ang TFK Alliance Brotherhood – Men in Uniform sa Max’s Restaurant, Quezon Avenue, Quezon City, na may temang “Unity for Good Governance.”
Layunin ng bagong alyansa na pag-isahin ang mga indibidwal na naninindigan para sa mabuting pamamahala, integridad, pananagutan at tapat na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Sa isang audio-visual presentation, ipinakita ang kasaysayan, misyon, bisyon, mga layunin at adbokasiya ng Task Force Kasanag na itinatag ni Dr. John J. Chiong noong 2009.
Hinimok ni Chiong ang mga dumalo na magkaisa laban sa korapsyon at patuloy na isulong ang mabuting pamamahala hindi lamang para sa kasalukuyan kundi maging sa susunod na henerasyon.
“Sa mahigit 17 taon, patuloy nating sinusuportahan ang mabuting pamahalaan. Sinusuportahan natin ang gumagawa ng matino, pinupuri ang mabuting gawa at iwinawaksi ang masama,” ani Chiong.
Binigyang-diin naman ni Atty. Nestor C. Ifurong Jr., dating Head Executive Assistant ng Agrarian Reform Director, na tungkulin ng bawat isa na labanan ang korapsyon.
Aniya, kung hindi lalaban ang mamamayan sa korapsyon, nagiging bahagi na rin sila ng problema. Kailangan aniyang patuloy na labanan ang kasamaan upang manaig ang kabutihan.
Kabilang sa mga dumalo sina dating Department of Health (DOH) Secretary Dr. Ted Herbosa at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Atty. JV Hinlo Jr.
Sinabi ni Herbosa na mahalagang matiyak ang sapat na badyet para sa kalusugan at nagpahayag ng suporta sa pagsusulong ng mabuting pamamahala ng Task Force Kasanag.
Samantala, binigyang-diin ni Hinlo ang kahalagahan ng paglikha ng trabaho at pagpapalakas ng industriya upang mapabuti ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Iminungkahi niyang gamitin ang mga lupang hindi napakikinabangan upang magkaroon ng trabaho at kabuhayan sa mga kanayunan. Sa pamamagitan nito, mababawasan din aniya ang krimen at higit na mapagtutuunan ng pamahalaan ang pag-unlad.
Hinimok din niya ang bansa na palakasin ang industriyalisasyon upang makagawa ng sariling makinarya at kagamitan sa halip na umasa sa pag-aangkat.
Bilang bahagi ng programa, pinangunahan ni Ifurong ang panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal at miyembro ng bagong alyansa. Isinagawa rin ang pormal na deklarasyon ng pagkakatatag nito, ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ni Chiong kasama sina Herbosa at Hinlo, gayundin ang ceremonial signing at pagpapahayag ng suporta ng mga panauhin.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, iginiit ni Chiong na hindi makakamit ang kapayapaan at kaunlaran kung nananatili ang pang-aabuso at korapsyon.
Binigyang-diin ng TFK Alliance Brotherhood ang paninindigang “Unity. Brotherhood. Service” bilang pagpapahayag ng pagkakaisa sa pagsusulong ng tapat, makatarungan at responsableng pamamahala.