Simula noong Marso 23, 2020, maagang natanggap ng mga pensyonado ang kanilang pensyon para sa buwan ng Abril 2020, ayon sa Social Security System (SSS). “Nakikiisa kami sa mandato ng gobyerno na bigyang ayuda ang ating mga mamamayan lalo na ang ating mga pensyonado. Isa rito ang maagang pagbibigay ng kanilang pensyon upang mabigyang tulong pang-pinansyal sila sa kanilang mga pangangailangan. Makatutulong ito sa ating mga pensioners sa gitna ng kasalukuyang krisis na kinakaharap ng ating bansa bunsod ng coronavirus disease 2019 (CoVID-19),” ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio.
Kung kayat hiniling din ng SSS sa mga partner-banks nito na payagan ang maagang pagbibigay ng pensyon sa buwan ng Abril 2020, mas maaga sa regular na iskedyul. “Pinapangalagaan namin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga pensyonado higit lalo sila na mas malapit sa mga sakit at karamdaman, kabilang na ang mga naninirahan sa ilalim ng enhanced community quarantine,” paliwanag ni Ignacio.
Naiulat ng SSS na nagsimulang magbigay ng maagang pensyon ang Dumaguete City Development Bank noong Marso 23. Ibibigay naman ngayong araw, Abril 1, ang mga pensyon mula sa First Consolidated Bank, Cooperative Bank of Quezon Province, BDO, CTBC Bank, at Country Builders Bank. Samantala, sa Abril 3 naman magbibigay ang Money Mall Rural Bank at Bank of Commerce. “Maliban sa mga nasabing bangko, may mga hinihintay pa kaming sagot mula sa iba pa naming partner-banks para sa maagang pagbibigay ng kanilang pensyon sa buwang ito,” dagdag pa ni Ignacio.
Nakapaglabas na umano ang SSS ng kabuuang P11.9 bilyon sa mga partner-banks nito para sa pensyon ngayong Abril 2020 na mapakikinabangan naman ng higit 2.7 milyon na pensyonado.
Pinapaalala rin ng SSS sa mga pensyonado na sa mga susunod na buwan, ibabalik na sa dating iskedyul ang pagbibigay ng kanilang mga buwanang pensyon batay sa kanilang contingency date o araw ng kanilang kapanganakan.