image

Rapid testing ng halos 4,500 na tricycle driver sa Mandaluyong City.

Sisiguruhin ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang kaligtasan ng mga pasahero at tricycle drivers sa lungsod. Ito ang mariing tinuran ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, matapos na isailalim sa rapid testing ang halos mahigit sa apat na libong tricycle driver sa nasabing lungsod. Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong,  papayagan lamang pumasada ang mga tricycle driver kung sila ay mag negatibo na sa COVID-19. Ito umano ay para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero at mga driver.

Ayon kay Mayor Menchie Abalos, umabot na halos sa 4,500 ang bilang ng mga naka rehistradong tricycle drivers ang sumailalim sa rapid testing, na ginawa ng City Health Department noong nakaraang linggo, sa halos 7,000 na pangkalahatang total. Lumabas na, may 277 tricycle drivers o anim na porsyento (6%) ng mga na-rapid test ang nag positibo sa COVD-19, na kung saan tinuring silang asymptomatic.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 40% lamang ang accuracy rate ng rapid testing at mababa ito para masabing positibo na agad ang isang tao sa COVID-19. Kaya naman, dapat ay magsagawa pa rin ng confirmatory SWABBING TEST, para sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test, para matiyak kung positibo nga siya sa nasabing sakit.

Agad na isinailalim ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong sa swabbing test, ang 277 tricycle drivers na nag positibo sa COVID-19. Nitong ika- 28 ng Mayo, lumabas ang partial results ng confirmatory RT-PCR test, na 42 tricycle drivers ay nagnegatibo naman sa nasabing sakit. Ang natitirang 235 confirmatory test, ay naghihintay pa ng resulta.

Ang tricycle drivers na wala pang RT-PCR test result, ay mananatiling naka-isolate at naka-quarantine. Inaasahan ni Mayor Abalos, na walang mag-positibo sa mga tricycle drivers na wala pang resulta, para hindi na madagdagan pa ang mga pasyente sa medical facilities sa lungsod. “Ayaw namin maging kampante, at patuloy kaming magsasagawa ng testing kung kinakailangan, para sa kaligtasan ng lahat sa sakit na COVID-19.”