image

Matapos na aksidenteng mabaril at mapatay ang saliling anak, kusang-loob namang sumuko sa kanyang mga kabaro ang isang pulis na nakatalaga sa Cainta Municipal Police Station.

Nakilala ang suspek, na si PSSGT Pepito Difuntorum Jr., 41 taong gulang, nakatira sa Bohol Street, Barangay San Roque, Cainta, Rizal. Sa isinagawang imbestigasyon, masaya umanong nag-iinuman ang suspek at asawa nito sa loob ng kanilang tahanan, na kung saan mayamaya lamang nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Bigla na lamang umanong  itinulak ng amang pulis ang asawa nito, kung kaya, agad na umawat ang anak na si Paolo Difuntorum, 20 taong gulang. Dahil umano sa init ng ulo at lasing na ang ama, binunot nito ang nakasuksok sa bewang na 9mm na pistola at aksidenteng nai-putok sa anak.

Mabilis namang naisugod pa sa Cainta Hospital ang biktima, subalit makalipas ang ilang oras ay binawian rin ng buhay. Boluntaryo namang sumuko ang amang suspek na pulis sa kanyang Mother Station sa Cainta Police Station,  na nahaharap ngayon sa kasong parricide.