Kalaboso ang isang Senior Citizen, matapos mahulihan ng illegal na droga kagabi, Mayo 28, 2020,  sa kahabaan ng A. Santos st., Brgy Buting sa Pasig City. Kinilala ang Lolong suspek na si  Romeo Genita, (alyas Ome) 61 anyos at residente ng naturang lugar.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Pasig PNP. nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit, ng buy-bust operation bandang 10:30 kagabi sa A. Santos st., Brgy Buting, Pasig City, na kung saan nasakote ang suspek. Narekober sa nasabing Lolo, ang 9 na pirasong plastic sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu, na tumitimbang ng humigit kumulang 20 gramo, na nagkakahalaga ng Php 136,000, at isang libong piso na buy-bust money.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, ang kakaharaping kaso na isinampa laban sa naturang lolo. Pansamantalang naka-detain ngayon ang suspek na senior citizen sa Pasig CPS, habang inaantabayanan pa ang kaukulang dokumento.