Sa paghahangad ni Cainta Mayor Kit Nieto, na matulungan ang kanyang mga kababayan na wala pa ring trabaho sa ngayon, matapos ang halos mahigit dalawang buwan na lockdown, ngayong nasa General Community Quarantine (GCQ) na, nagbukas ng maraming Job Opening ang bayan ng Cainta para sa mga residente na wala pang mga trabaho.
Ayon kay Mayor Kit Nieto, marami sa kanyang nasasakupan sa ngayon ang mga walang trabaho, dahil nagsara karamihan ang mga Kumpanya na kanilang pinapasukan, dahil sa Lockdown dulot ng Covid-19 pandemic. Kung kaya naisip ng Alkalde, na magbukas ng Emergency Jobs hiring ang munisipyo para mabigyan ng trabaho ang mga walang hanapbuhay sa Cainta.
Kabilang umano sa mga iniaalok na trabaho ng munisipyo ng Cainta Rizal, ay ang mga proyekto ng bayan na kinabibilangan ng: Paglilinis ng daluyan ng tubig sa ilog, declogging ng mga baradong canal, paglilinis ng mga kalsada at road clearings, pagkukumpuni ng One Cainta College Bldg, pagpipintura ng bubong ng One Cainta Auditorium, at marami pang ibang dapat gawin para muling maibalik ang kagandahan ng bayan ng Cainta.
Labis naman itong ikinatuwa ng mga residente ng Cainta Rizal, partikular ang mga walang trabaho. Ito umano ang isa sa hinahangaan ng mga taga Cainta sa kanilang Alkalde, ang mabilis na action at mabilis mag-isip ng solusyon. Pagdating sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan, labis siyang hinahangaan at ipinagmamalaki ng mamamayan ng Cainta Rizal.
Nanawagan si Mayor Kit Nieto sa mga residente ng Cainta Rizal, partikular sa mga walang trabaho, na makipag- ugnayan sa tanggapan ng Punong Bayan, para sa Emergency Jobs na iniaalok sa mga walang pinagkakakitaan, ngayon na nasa ilalim pa ng GCQ ang bansa.