Ready na para sa Online transfer at release ang unang batch ng pensyon para sa buwan ng Nobyembre 2020, salamat sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) at iba pang checkless disbursement channels.
Ayon kay SSS President and CEO Aurora C. Ignacio, kasama sa unang batch ng pensyon ay ang mga pensyonado na may contingency dates mula ika-1 hanggang ika-15 araw ng buwan at tumatanggap ng kanilang pensyon sa pamamagitan ng PESONet participating banks, e-wallets tulad ng PayMaya, o sa mga Development Bank of the Philippines (DBP) accredited Remittance Transfer Company (RTC)/Cash Payout Outlet (CPO) tulad ng M Lhuiller.
“Dahil holiday at weekend ang November 1, kinumpleto na namin kahapon ang paglabas ng pondo sa DBP, para sa unang batch ng pensyon para sa Nobyembre. Ang DBP naman ang magbibigay nito sa ibang PESONet participating banks, e-wallets, at M Lhuiller bago mag-12 ng tanghali ngayon,” sabi ni Ignacio.
“Inaasahan na maibibigay ng mga PESONet participating banks, e-wallets, at RTC/CPO ang pensyon ng ating mga pensyonado simula ngayong hapon” dagdag niya. Sakop ng unang batch ng pensyon para sa Nobyembre 2020 ang mahigit na 1.46 milyon na pensyonado na nagkakahalaga ng mahigit na P6.22 bilyon.
Sinabi rin Ignacio na ang bagong iskedyul ng pag-kredit ng pensyon ng mga PESONet participating banks at iba pang checkless disbursement channels ay alinsunod sa SSS Circular No. 2020-024 na ipinatupad simula Oktubre 2020. Nakasaad dito ang dalawang beses na pagkredit ng pensyon kada buwan. Ang unang batch ng pensyon ay tuwing ika-1 araw ng buwan at ang mga makatatanggap nito ay ang mga pensyonado na may contingency dates mula ika-1 hanggang ika-15 ng buwan. Tuwing ika-16 ng buwan naman ang ikalawang batch ng pensyon at ang mga makatatanggap nito ay ang mga pensyonado na may contingency dates mula ika-16 hanggang ika-31 araw ng buwan. Kung ang araw nang pagkredit ay Sabado, Linggo, o holiday, maibibigay ang pensyon sa huling araw bago ang Sabado, Linggo, o holiday.
Ang contingency date ng isang retiradong-pensyonado ay ang araw kung saan sila natapos na magbayad ng hindi bababa sa 120-buwan kontribusyon at sila ay hindi bababa sa 60 taong gulang (para sa optional retirement maliban sa mineworkers at racehorse jockeys), kung sila ay umalis na sa trabaho o tumigil sa pagiging self-employed; o sila ay 65 taong gulang (para sa technical retirement, maliban sa mineworkers at racehorse jockeys).
Para naman sa mga disability pensioners, ang kanilang contingency dates ay base sa araw ng kanilang operasyon, pagkakasakit, o pagkabalda, ayon sa pagsuri ng SSS, habang ang survivor (death) pensioners naman ay nakabase sa pagkamatay ng miyembro.
Samantala, ang iskedyul ng pagkredit ng naipon na pensyon para sa resumption ng nasuspendeng pensyon dahil sa hindi pagtupad sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) program ay ika-16 araw ng susunod na buwan matapos na matanggap at maitala ang pag-report para sa ACOP. Bukod dito, ang mga pensyonado naman na tumatanggap pa rin ng kanilang mga pensyon gamit ang non-PESONet participating banks o sa pamamagitan ng tseke ay patuloy na matatanggap ang kanilang pensyon sa kanilang accounts. Susundin pa rin nito ang dating iskedyul ng kanilang pensyon na nakabase sa kanilang contingency dates.
Ipinatupad ito upang sila ay bigyan ng sapat na oras upang makapag-enrol sa PESONet bank, e-wallet, o RTC/CPO disbursement account para sa SSS at para mabigyan ang kanilang mga bangko ng sapat na oras upang maging kasapi sa PESONet.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa usaping ito, bisitahin ang link https://bit.ly/2HHaVi2. Maaari ding bisitahin ang SSS Facebook page “Philippine Social Security System,” Instagram account “mysssph,” Twitter account “PHLSSS,” o sumali sa “MYSSSPH Updates” Viber Community.