Matapos ang halos 3 buwang pagpaplano, pagbubunkal ng lupa at pagtatanim ng ibat-ibang uri ng gulay, inani na nitong nakaraang January 3, 2021 ang mga nasabing gulay na kinabibilangan ng Mustasa, Petchay, Chinese kangkong at Spinach, maliban sa Upo at Kalabasa na nakatakda na ring pitasin ang kaunaunahang bunga sa kalagitnaan nitong buwan ng January, ayon kay DAR Sec. John Castriciones.
Ang proyektong “Buhay sa Gulay” na isinakatuparan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Pangunguna ni DAR Secretary John R. Castriciones at ng Department of Agriculture (DA), katuwang ang Local Government of Manila (LGU’s Manila), St. John Bosco Parish Church at ang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) ng DAR. Ang halos 8,000 square meter na lote na pinangangasiwaan ng St. John Bosco Parish na ginawang garden para pagtamnan ng gulay ay dating Football soccer field na matatagpuan sa Don Bosco – Tondo Manila.
Umabot halos sa P19,000 ang kinita ng mga residenteng benepisyaryo ng gulayan sa Tondo na may bilang na 17 barangay na sakop ng Parokya. Layunin nito na mabawasan ang epekto ng pandemya sa ekonomiya at kalusugan ng mga mamamayan sa naturang lugar. Sa loob lamang ng mahigit dalawang oras, nakapagbenta ng mahigit sa 600 kilo ng gulay sa presyong may diskwento para sa “pick, harvest, and pay” promo na isinagawa sa kauna-unahang urban vegetable garden Harvest Festival. Ang presyo ng bawat kilo ng gulay na katulad ng petchay, spinach, at mustasa ay nasa P30 lang habang ang Chinese Kangkong naman ay P50 bawat kilo lamang.
“Kapag nagtutulungan at nagkakaisa ang mga mamamayan, ang pamahalaan at ang simbahan, ay siguradong magkakaroon ng isang produktibong programa na magpapaunlad sa pamayanan,” sabi ni DAR Secretary Brother John R. Castriciones sa pagdaraos ng Buhay sa Gulay Harvest Festival.
Sinabi niya na ipinamalas ng Buhay sa Gulay Harvest Festival ang sama-samang pagsusumikap ng mga ahensya ng lokal at pambansang pamahalaan upang magkaroon ng mga produktong pangsakahan sa siyudad sa pamamagitan ng dedikasyon, tiwala sa sarili, pangako at kasipagan na ipinagkaloob ng mga farmer-scientists mula sa Cavite at ng mga urban farmers sa Tondo.
“Ang mamamayan po ng Tondo ay maaari nang mag-ani ng gulay mula sa lupang ipinahiram ng simbahan at bayaran ng diretso ang mga produktong kanilang naani. Hindi na nila kailangang pumunta sa palengke daahil sariwang-sariwa ang mga gulay na kanilang maaani. Dito, siguradong magiging masigla at malusog ang pangangatawan ng mga mamamayan dito,” ayon pa sa hepe ng DAR.
Binigyang diin ni Castriciones na ngayong panahon ng pandemya, ang mga Filipino ay kailangan magkaisa at magtulungan, hindi lamang upang malabanan ang negatibong epekto ng COVID-19 sa bansa kung hindi upang manumbalik ang mga mamamayan sa gawaing pagsasaka.
Dagdag pa nito na bukod sa Tondo nakausap na rin nila pamunuan ng lungsod ng Caloocan para sa pagtatatag ng sariling urban vegetable garden. Ganon ang Quezon City at iba pang LGU’s sa kalakhang Maynila.
“Sa pamamagitan ng pagsasaka, ang mga mamamayan ng siyudad ay hindi na kailangan umasa pa sa ibang lalawigan para sa suplay ng mga gulay,” dagdag pa ng kalihim.