Pinangasiwaan kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) provincial office ang paglalagda ng marketing agreements sa pagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) District Jail at dalawang (2) DAR-assisted cooperative, ang Silingan Rubber Farmers Association (SIRFA) at Mate Women’s Association sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO) Mohammad Dassan Adju ang agreements na ito ay magdadala ng benepisyo sa magkabilang panig dahil ang BJMP District Jail ay makaseseguro ng sariwang rasyon ng gulay sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa kanilang pasilidad samantalang ang dalawang agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), ay magkaroon ng regular na pagbebentahan ng kanilang mga produkto.
Bukod sa gulay at root crops, ang Mate Women’s Association ay magrarasyon din ng coco-vinegar sa BJMP District Jail.
“Ang marketing agreement ay ginanap sa pamamagitan ng epektibong pagpapatupad ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program. Ang BJMP ay makatatanggap ng sariwang rasyon ng pagkain sa murang halaga at ang mga ARBO naman ay makapagbebenta ng kanilang produkto ng diretso sa institusyonal na mamimili, kung saan mas lalaki ang kanilang kikitain kumpara kung sila ay dadaan pa sa mangangalakal,” ani Adju.
Idinagdag pa ni Adju na ang BJMP District Jail ay isa sa malaking tagasuporta ng DAR sa pagtulong sa mga ARBO sa lalawigan na nasa ilalim ng EPAHP program. Ang EPAHP ay isa sa mga banner program ng pamahalaan na binuo sa ilalim ng Executive Order No. 101 na ang pangunahing layunin ay bawasan ang kagutuman, tiyakin ang seguridad sa nutrisyon ng pagkain at itatag ang sustainable agriculture.
Ang marketing agreements, na idinaos sa BJMP District Jail Office, sa bayan ng Ipil, ay nilagdaan nina BJMP District Jail Warden JINSP Arvin Dan R Aguito at chairperson ng ARBO, Mr. Charlie Divinagracia at Ms. Crisminda R. Tomarong ng SIRFA at ang Mate Women’s Association.
Kasama ni Provincial Head PARPO II Adju, sa pangangasiwa ng aktibidad ay sina PARPO I Lorna Salera, Municipal Agrarian Reform Program Officers Ana Maria Calonia at Nicolas Pameron, Jr., Division Chief Anthony Teves at iba pang mga kawani ng DAR.