INALMAHAN ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang pagsigaw ng ilang ulit ng salitang “ Muslim “ ng mga pulis na nagtangkang humuli sa mga hostage taker sa nangyaring hostage taking incident nitong nakaraang October, 9, 2022 sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center na ang biktima ng pang hohostage ay ang dating Senador Leila De Lima.
Sa nag viral na video sa social media, na isa umano sa PNP personnel na nakakuha ng actual footage, na isinisigaw sa kanyang kasama ng tatlong–ulit ang salitang “Muslim”, “yung mga Muslim”, “tatlong Muslim yun eh” habang kinikilala ang tatlong hostage taker.
Nakilala ang tatlong hostage takers na sina: Feliciano Sulayao Jr. (na siyang nagtangkang mang-hostage kay dating Senator De Lima), Arnel Cabintoy, at Idang Susukan, na idiniklarang napatay matapos ang insidente.
Naniniwala ang NCMF na may malaking pagkukulang ang seguridad ng management sa parte ng PNP personnel na nakatalaga sa pasilidad ng mga bilango. Dahil maging ang kulungan ni dating Senator De lima ay napasok ng isang pugante at gawing pananggalang sa mga pulis na huhuli sa kanila.
Ang nasabing Press Conference ay dinaluhan nina: Spokesperson Yusoph J. Mando, National Commission on Muslim Filipinos; Adzhar A. Albani CESO III, National Commission on Muslim Filipino, at Ceasar M. Miranda, CPA Director MBCA, Commission on Muslim Filipino.
Ayon sa pahayag ni NCMF Spokesperson Yusoph J. Mando, ang nasabing usapin ay idudulog nila sa Congreso at Senado sa pamamagitan ni Senador Robin Padilla na handang sumuporta sa kanilang mga hinaing, dahil sa paulit-ulit na umanong nangyayari ang pagbanggit sa salitang muslim. Samantalang ang iba umanong relihiyon, ay hindi na binabanggit ang kanilang relihiyon o kinaaaniban na grupo kung ang mga ito umano ay nasasangkot sa anumang insidente at krimen.
Inalmahan din ng NCMF ang Fisher Supermarket’s annual Dog Fashion show and Contest sa Fishermall nitong nakarang Oktobre 1, dahil sa kawalan ng respeto at pambabastos sa relihiyon ng mga Islam matapos na gawing props ng isang contestant ang Holy KA’ABA. Ito ang pinaka sagradong lugar o bagay na kung saan ang mga Muslim sa buong mundo ay doon nakaharap sa kanilang pagsamba, at regular na nagdarasal ng limang beses sa isang araw.
Dagdag pa nito, na kapag hindi ito mabibigyan ng pansin, maaring magkaroon ng pagkaka-watakwatak at pagkaka-hatihati ang mga Filipino at magiging sanhi ng pagkakasamaan ng loob ng mga Kristiyano at Muslim na maaring humantong sa kaguluhan.
Nanawagan din si NCMF spokesperson Mando sa kinauukulan, na sana ay bigyan din ng pansin ang mga bilangong Muslim na pinapakain ng karneng baboy sa ibat-ibang kulungan sa buong bansa.