Naging masaya ang ginanap na Send -Off Program ng mga atletang kakatawan sa Lungsod ng Marikina para sa gaganaping 2023 NCR Palaro.
Ito ay matapos na daluhan nina Congresswoman Maan Teodoro at Mayor Marcy R. Teodoro kamakailan ang nasabing programa na ginanap sa Teatro Marikina.
Punong-puno ng saya at kagalakan ang puso ng 465 atleta at 120 coaching staff, trainers, officiating officials, working committees, at monitoring teams matapos na ihayag ni Congresswoman Maan sa kanyang mensahe ang kanyang kahilingan kay Mayor Marcy na dagdagan ang allowance ng mga ito. Na kung saan ang kahilingan ng butihing kongresista ay agad namang tinugunan ng Alkalde ng Lungsod.
“Karapat-dapat na ang bawat atleta, coach, at kasamang guro ay magkaroon ng kahit paano ng kaunting umento sa allowance dahil alam kong magiging challenging ang NCR Palaro dahil best of the best na ito sa ating buong NCR. Talagang matsa-challenge ang bawat isang atleta. Kahit man lang dito sa paraang ito ay matulungan namin kayo at maibigay din ang best ng ating seyudad,” wika ni Congresswoman Maan.
Bilang tugon, pinasalamatan ni Mayor Marcy si Congresswoman Maan sa kanyang rekomendasyon na ang allowance ay ibigay in cash. Hinikayat din ng Ama ng Lungsod ang mga trainers at coaches na turuan ang mga atleta kung paano magbudget ng kanilang allowances upang malinang ang kanilang financial management skill.
“Saludo at bilib ako sa mga atleta na kasama natin ngayon. Mabuti at magandang halimbawa kayo sa inyong mga kaeskwela, kaibigan, sa disiplina sa inyong sarili, sa tamang paggamit ninyo ng inyong oras, at tamang pangangalaga sa inyong katauhan. Ang pag-aaral ay pangunahin, at ang sports ay napakahalaga. It complements our well-being,” ayon pa sa Alkalde.
Ang NCR Palaro ay tagisan ng husay sa larangan ng palakasan ng mga atletang mag-aaral mula sa ibat-ibang lungsod at munisipalidad sa buong National Capital Region (NCR), at ito ay bahagi ng paghahanda para sa taunang Palarong Pambansa.
Gaganapin ang Palarong Pambansa sa Lungsod ng Marikina sa darating na Hulyo taong kasalukuyan.