image

Ipinagdiriwang ng Ortigas Art Festival ang ikapitong taon nito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng abot at pagbibigay-pansin sa mas maraming artista mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Sa temang “Sining para sa Lahat: Pagdiriwang ng Walang Hangganang Pagpapahayag ng Sining,” maaring maranasan ng mga bisita ang mas malaking Ortigas Art Festival mula Hulyo 18 hanggang Agosto 18 sa East Wing ng Estancia Mall, Pasig City. Tampok dito ang libu-libong Pilipinong artista na magpapakita ng kanilang makulay na sining at mag-aalok ng iba’t ibang workshops.

Ang Ortigas Art Festival ay isang award-winning event, kinilala ng Anvil Awards (Silver Award) at Stevie International Business Awards (Gold Award) para sa kanilang libreng buwanang art exhibit na nagtatampok ng mga Pilipinong artista mula sa iba’t ibang disiplina na bahagi ng Pilipinas.

“Bawat taon, nais naming gawing mas malaki ang Ortigas Art Festival upang tanggapin ang mas maraming Pilipinong artista at organisasyon mula sa buong bansa. Matagumpay naming nagawa ito ngayong taon sa mga artistang mula sa Angono, na siyang art capital ng Pilipinas, tampok ang mga gawa ni Totong Francisco, apo ni Botong Francisco, at marami pang iba upang ipakita ang iba’t ibang talento at estilo ng sining ng mga rehiyon,” ayon kay Arch. Renee Bacani, Pangalawang Pangulo at Pinuno ng Ortigas Malls.

Dinaluhan ang seremonya ng pagbubukas ni Arch. Renee Bacani, Bise Alkalde ng Angono Gerardo Calderon, Konsehal ng Pasig Angelu De Leon, at iba pang mga miyembro ng LGU upang katawanin ang kanilang mga lungsod. Dumalo rin ang mga pangunahing curator at consultant ng Ortigas Art Festival na sina Renato Habulan at Helen Mirasol, Dr. Dennis “Sio” Montera, pinuno ng National Commission for Culture and Arts’ (NCCA) National Committee on Visual Arts, at ang mga artistang kumakatawan sa Pilipinas sa 15th Gwangju Biennale.

Ang mga naging kaganapan sa nasabing pagdiriwang ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

Sining Biswal: *Ang Agos Studio ni Renato Habulan ay magtatampok ng mga bagong pintura at iskultura ng mga nag-uumpisang Pilipinong artist. *Tampok din ang “Buklod” mula sa Iloilo, na layuning pag-isahin ang mga tao at ipagdiwang ang sining ng rehiyon. *Inilunsad naman ni Habulan ang “Lunduyan,” isang dalawang taong mentorship program para sa mga nag-uumpisang artist. *Ang Linangan Artist Residency ni Emmanuel Garibay ay magtatampok ng edukasyon sa sining sa pamamagitan ng mga solo exhibits, collaborative showcases, workshops, at lectures. *Ang Grupo Sining Angono at Angono Artists Association ay magpapakita ng mga likhang sining ni Totong Francisco at iba pang artista mula sa Angono. *Ang vMeme Contemporary Art Gallery ay magtatampok ng exhibit na “Locations of Freedom” para sa Philippine Pavilion sa 15th Gwangju Biennale sa South Korea. *Ang Pasig Art Club ay magpapakita ng mga gawa nina Lita Wells, Ace Dimanlig, at iba pang miyembro ng club.

Potograpiya: *Ang Ortigas Foundation Library at Redlab Gallery ay magpapakita ng mga prints ng nostalgic na litrato at mga kuha ng kalikasan. *Tampok din ang sining ng paintography na pinagsasama ang pagpipinta at potograpiya upang makalikha ng mga makukulay na imahe.

Pelikula: *Magkakaroon ng late-night movie screenings ng mga award-winning na pelikulang Pilipino, kabilang ang “Gitling,” “Independencia,” “Firefly,” at “In My Mother’s Skin.” *Matututo rin ang mga dadalo mula sa mga eksperto ng FDCP sa mga talakayan sa pelikula.

Sayaw: *Ipapakita ng Halili-Cruz School of Ballet at Step by Step Performing Arts Studio kung paano nagiging outlet ang sayaw para sa malikhaing pagpapahayag ng mga kabataan.

Ang Ortigas Art Festival 2024 ay nagtatampok ng maraming galleries at organisasyon na may libu-libong lokal na artista sabik na ipakita ang kanilang mga likha, pati na rin ang malawak na hanay ng workshops. Marami ang maaaring ialok sa mga bisita, lalo na sa mga kabataang artista, na nais humanga sa mga magagandang likha na naka-display. Maari ring bumili ng mga natatanging likhang sining para sa kanilang mga tahanan.

image

image

image