San Juan City – Dahil sa matinding pagbaha na dulot ng habagat at Bagyong Carina, inatasan ni Mayor Francis Zamora ang lahat ng opisyal at tauhan ng lungsod na magtulungan para sa kaligtasan ng mga residente.
Mula pa noong lunes ng hapon hanggang ngayon, patuloy na tumutugon ang lungsod sa pangangailangan ng mga kababayan.
Simula alas-11 ng umaga kanina, nailikas na ang 559 katao mula sa 118 pamilya sa San Juan City Gym. Ang bilang ng mga lumilikas ay patuloy na nadaragdagan. May mga tent sa loob ng gym para sa pansamantalang tirahan at tumatanggap ang mga evacuees ng tulong mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) at health check-up mula sa City Health Department (CHD). Ang Philippine National Police (PNP) San Juan at ang Public Order and Safety Office (POSO) ay tumutulong sa CSWD at CHD sa pamamahala ng evacuation center.
Sa ilang lugar, umabot na sa dibdib ang tubig baha. Pinaka-apektado ang mga Barangay San Perfecto, Batis, Kabayanan, at Balong Bato. Ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), San Juan Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard, Barangay responders, Rescue Recon/Navy Reservist, Traffic and Parking Management Office (TPMO), at ang Public Order and Safety Office (POSO)/Task Force Disiplina (TFD) ay nangunguna sa mga operasyon ng pagsagip. Naka-preposition na ang mga bangka sa mga lugar na mataas ang panganib para mabilis ang paglilikas. Binuksan din ang mga barangay halls at basketball courts sa mga apektadong barangay para gawing evacuation centers. Bukas din ang simbahan ng Santuario del Santo Cristo Parish sa mga evacuees ng lungsod.
Nagbibigay ng mainit na pagkain ang lungsod para sa mga evacuees upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan. Patuloy na tumataas ang tubig sa San Juan River at nasa kritikal na antas na 14.34 metro mula alas-10:40 ng umaga. Patuloy ang monitoring at mabilis na aksyon upang maiwasan ang karagdagang panganib sa mga residente.
Hinihikayat ng ng Alkalde ang mga residente na agad lumikas sa evacuation center sa San Juan Gym habang hindi pa masyadong mataas ang baha. “Ipinapayo ko rin sa lahat na maging alerto at updated sa balita, tingnan ang social media accounts ng lungsod para sa mga update, at manatiling ligtas at tuyo,” ani Mayor Zamora.
Ang City Veterinary Office ay tumutulong din sa pagsagip ng mga alagang hayop na naapektuhan ng pagbaha.