image

Nanawagan si Marikina Mayor Marcy Teodoro ng patas na imbestigasyon hinggil sa kasong isinampa laban sa kanya sa Ombudsman, na tila may bahid ng pulitika. Ayon kay Teodoro, kaduda-duda ang timing ng kaso dahil isang buwan na lang ay magsisimula na ang filing ng certificate of candidacy. Bukod dito, kilala niya ang nagsampa ng kaso na aktibo rin sa pulitika, kaya’t pinagdududahan niya ang tunay na motibo nito.

“Nagtataka ako dahil wala naman siyang personal na kaalaman at hindi rin siya apektado ng isyu,” ani Mayor Teodoro. “Wala siyang direktang impormasyon at kailangan pang beripikahin ang mga paratang niya.”

Umaasa si Mayor Teodoro na sa preliminary investigation ay makikita na walang basehan at merit ang mga alegasyon laban sa kanya. Dagdag pa niya, “Intact pa rin ang pondo base sa huling audit na ginawa. In-appropriate ito sa pamamagitan ng isang local ordinance, pero hindi na namin ito inimplement dahil naisip naming mas makabubuti ang maglaan ng pondo bilang pondo ng lungsod.”

Ipinahayag din ni Mayor Teodoro na walang realignment ng pondo na nangyari at ang pondo na tinutukoy ay kita ng lungsod mula sa reimbursement ng PhilHealth para sa mga serbisyong ibinigay ng lungsod tulad ng laboratory at diagnostic examinations para sa mga PhilHealth beneficiaries. Dahil dito, napunta sa general fund ang pondo.

Pinuna rin ni Mayor Teodoro na tila premature ang pagkakafile ng kaso, lalo pa’t matagal na siyang mayor, nasa huling termino na niya, at ngayon pa lang siya nasampahan ng kaso. “Sa tingin ko, ito ay smear campaign at pulitika lamang. Dahil sa timing, maliwanag na pulitika ang motibo,” ani Teodoro.

Bagamat matindi ang paratang, nananatiling kampante si Mayor Teodoro na walang matibay na kaso laban sa kanya. Umaasa siyang madidismiss ang kaso sa lalong madaling panahon.