image

QUEZON CITY – Nanawagan ang iba’t ibang grupo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Huwebes, Setyembre 19, na gawing isang “Pamasko” na lamang ang pagpasa ng Senate Bill No. 1979 o ang Batas sa Pagpigil ng Teenage Pregnancy.

Humigit-kumulang 402 na Civil Society Organizations (CSOs) at mga ahensya ng gobyerno ang nanawagan sa Senado na agarang ipasa ang panukalang batas, na pinangunahan ng Philippine Legislator’s Committee on Population and Development Foundation, Inc. (PLCPD).

Simula noong Agosto 2024, nagsimula na ang diskusyon sa Senado ukol sa Senate Bill No. 1979. Ayon sa mga tagapagtaguyod, bawat araw na hindi pa naipapasa ang batas, mas maraming kabataang babae ang nahaharap sa pang-aabuso, impeksyon, delikadong pagbubuntis, at problema sa mental health.

Si Rep. Raoul Danniel A. Manuel, may-akda ng Prevention of Adolescent Pregnancy Bill, ay nagpahayag ng suporta at binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang sexuality education para sa kabataan.

Idinagdag ni Dr. Dexter Galban ng Department of Education na ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) ay hindi lang tungkol sa pisikal na aspeto, kundi mas malawak, lalo na’t mataas ang bilang ng mga kabataang nagkakaroon ng repeat pregnancies o paulit-ulit na pagbubuntis.

Ayon naman kay Mylin Mirasol Quiray ng Commission on Population and Development, kasali ang kanilang ahensya sa mga nananawagan na maipasa agad ang batas. Samantala, binigyang-diin ni Elizabeth Angsioco, pinuno ng Democratic Socialist Women of the Philippines, na 402 na batang babae, edad 15-19, ang nanganak araw-araw noong 2022. Maging ang bilang ng pagbubuntis ng mga batang edad 10-14 ay tumaas mula 2,250 noong 2018 patungong 3,135 noong 2022.

Ang panukalang batas na ito, ayon kay Angsioco, ay magbibigay proteksyon sa mga batang babae laban sa pang-aabuso at maagang pagkamatay, at magbibigay sa kanila ng mas magandang kinabukasan.

Nagbigay din ng salaysay si Kaith Distor, isang youth advocate mula sa Barangay Bagong Silang, na may mga batang nagbubuntis sa murang edad na 9 sa kanilang lugar. Dagdag pa rito, ayon kay Rom Dongeto ng PLCPD, malaking epekto sa edukasyon at ekonomiya ang teenage pregnancy, na nagdudulot ng P33 bilyong pagkalugi taun-taon. (Photo by: Jimmy Camba)

image

image

image