image

Baras, Rizal — Nagbigay ng kasiyahan at ngiti sa tribong Dumagat Remontado ng Baras, Rizal ang isinagawang medical mission ng PINOY AKO organization noong Sabado, Oktubre 5,. Taos-pusong nagpasalamat ang mga miyembro ng tribo sa tulong na kanilang natanggap.

Sa nasabing medical mission, namahagi ang PINOY AKO ng mga t-shirt, de-lata, noodles, 3 kilong bigas, Skyflakes, at iba’t ibang uri ng gamot at bitamina para sa mga bata at matatanda. Ayon kay Ricky Dela Cruz, 42, ang lider ng tribong Dumagat Remontado sa Barangay San Roque, malaking tulong sa kanila ang ganitong klaseng serbisyo dahil bihira silang makatanggap ng mga biyayang tulad nito.

Ang PINOY AKO ay isang samahan ng mga propesyonal at karaniwang manggagawa na naglalayong itaas ang antas ng pamumuhay ng mga katutubo tulad ng mga Dumagat. Isa sa kanilang pangunahing adbokasiya ay ang pagpapalakas ng pagpapatupad ng IPRA Law upang maprotektahan ang karapatan ng mga katutubo sa isang maayos, ligtas na pamumuhay, kalusugan, at sapat na suplay ng gamot.

Buong suporta ang ipinakita ng TEAM BUO (Baras United Opposition) ATAG (Ang Tao Ang Gobyerno) sa PINOY AKO organization. Kabilang sa grupong ito sina Perla Geronimo Tesoro, na tatakbo sa pagka-alkalde ng Baras, Rizal sa darating na halalan sa susunod na taon (pamangkin ni Mayor Latigo), Jay Sambilay na tatakbo bilang bise-alkalde, at mga konsehal na sina Renato “Nato” Llagas, kasalukuyang Konsehal Carlos Llagas, Bastian Vallestero, Jojo EIago, Jun “Pango” Robles, Erwin Santos, at Dadies Matamis. Nangako sila na itutuloy ang pagpapalaganap ng adbokasiya ng PINOY AKO at ang pagpapatupad ng IPRA Law.

Ayon kay Dela Cruz, mayroong 75 pamilya ng Dumagat Remontado sa Barangay San Roque at may 10 pang tribo sa Antipolo City. Karamihan sa kanila ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagtatanim ng palay, niyog, mais, at mga gulay, habang ang iba naman ay nagtatrabaho sa bundok o nagmamaneho ng traysikel.

Dagdag ni Dela Cruz, ang kanilang mga lupain, na may lawak na 13,000 hektarya sa Antipolo at Baras, ay nakuha sa pamamagitan ng Certificate of Ancestral Domain Titles (CADTs), kung saan malaking bahagi nito ay matatagpuan sa Antipolo.

Ibinahagi din ni Dela Cruz na ang mga “Non-IP” o mga hindi katutubo ang mas naaapektuhan ng alitan sa lupa sa pagitan ng Baras at Tanay, partikular sa Masungi Georeserve Protected Area. Ang buwan ng Oktubre ay ipinagdiriwang bilang Indigenous Peoples Month.

Dumalo rin sa nasabing medical mission si Boss Toyo, o Jason Lozada sa tunay na buhay, isang kilalang social media influencer at miyembro ng PINOY AKO organization. Nagbigay saya si Boss Toyo sa mga kabataan at matatandang Dumagat sa pamamagitan ng mga palaro at pamimigay ng cash sa mga kalahok at mga nagwagi. Ipinangako rin ni Lozada na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng mga katutubo sa ilalim ng IPRA Law, at magbibigay sila ng mga medical mission at programang pangkabuhayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang PINOY AKO ay naglalayon na abutin ang iba pang mga katutubong komunidad upang magbigay ng tulong medikal at pangkabuhayan, partikular na sa mga liblib na lugar na hindi kadalasang naaabot ng tulong mula sa gobyerno.

image

image

image

image