image

MAYNILA – Pinangunahan ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang pagbubukas ng 2024 Global IT Challenge for Youth with Disabilities (GITC) noong Nobyembre 4 sa Manila Hotel. Ang tema ng pagtitipon ngayong taon ay “Tech for All, by All.”

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni NCDA Executive Director III Glenda D. Relova ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), at ang mga organizer ng GITC 2024 para sa kanilang suporta sa programa. Ayon kay Relova, ang GITC ngayong taon ay nagpapakita ng husay at talino ng kabataang may kapansanan sa larangan ng teknolohiya. Sinabi niya rin na umaasa siyang magiging matagumpay ang GITC para sa kapakanan ng mga kabataang may kapansanan.

Ipinahayag ni Il-Young Lee, Vice President ng Rehabilitation International (RI) Korea, ang kanyang kagalakan sa pagkakaisa ng mga kabataan mula sa iba’t ibang bansa sa Maynila para sa layunin ng inklusibong teknolohiya.

Samantala, nagbigay din ng pagbati si Atty. Emmeline A. Villar, Undersecretary ng NCDA mula sa DSWD, sa mga kalahok sa ngalan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian. Ani Villar, ipinagmamalaki ng Pilipinas ang pagho-host ng GITC bilang simbolo ng global na kooperasyon at pagsulong ng pantay na teknolohiya para sa kabataang may kapansanan.

Sa isang press conference, ipinaliwanag ni Joon Oh na nagsimula ang GITC sa Vietnam noong 2011, na may layuning ipakita ang kakayahan ng kabataang may kapansanan sa Asia-Pacific. Dagdag pa niya, nakakatulong ang kompetisyon sa pagpapabuti ng kanilang buhay at pagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho. Sa edisyong ito, kasama na rin ang AI app at iba pang makabagong teknolohiya sa kompetisyon.

Ang 2024 GITC ay suportado ng iba’t ibang organisasyon, kabilang ang GITC Organizing Committee, Ministry of Health ng Korea, DICT, Department of Foreign Affairs, Philippine Information Agency (PIA), PLDT at Smart, Lungsod ng Maynila, Huawei Philippines, at Manila Hotel.

Mga Lumahok na Bansa Ayon sa Rehiyon:

  • Hilagang-Silangang Asya: Korea, Mongolia
  • Timog-Silangang Asya: Laos, Malaysia, Vietnam, Indonesia, Cambodia, Thailand, Pilipinas
  • Timog Asya: Nepal, Bangladesh, India
  • Africa: Ethiopia, Kenya, Egypt

Bilang ng mga Kalahok Ayon sa Rehiyon:

  • Hilagang-Silangang Asya: 14
  • Timog-Silangang Asya: 63
  • Timog Asya: 15
  • Africa: 11          

Kabuuang Bansa na lumahok: 15 

Kabuuang bilang ng mga Kalahok: 104

image

image

image

(Photo by: Jimmy Camba)