image

Photo by: Yen Ocampo

Sa kabila ng mga hamon ng makabagong panahon, nananatiling matatag ang Catholic journalism sa pagsusumikap na maghatid ng katotohanan, inspirasyon, at moral na gabay sa mga Pilipino.

Sa gitna ng lumalalang paglaganap ng maling impormasyon sa social media at pagkiling ng mainstream media, nagsisilbi itong mahalagang plataporma para sa pagpapahayag ng mga prinsipyong nakaugat sa pananampalataya at moralidad.

Sa tulong ng mga dedikadong mamamahayag, patuloy nitong tinutugunan ang pangangailangan para sa tamang impormasyon at espiritwal na paggabay, layuning hindi lamang magbigay ng balita kundi makapag-ambag din sa paghubog ng mas makatao at makadiyos na lipunan.

Ang Papel ng Catholic Journalism sa Makabagong Panahon

Si Rowel Garcia, 12 taon na sa larangan ng pamamahayag mula sa Radyo Veritas at host ng programang “Caritas in Action” ay nagbahagi ng kanyang karanasan at pananaw mula sa isang panayam kasama ang mga mag-aaral ng kursong Communication Arts ng La Consolacion University Philippines-Malolos.

Bilang isang Katolikong mamamahayag, mariing tinutulan ni Garcia ang panukalang batas sa diborsyo, kasabay ng kanyang paniniwala na ang pagpapalakas ng pundasyon ng pamilya at pananampalataya ang susi upang maiwasan ang hiwalayan.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng limitasyon sa pamamahayag, lalo na sa panahon ng social media. Aniya, ang isang mamamahayag ay dapat maging tagapaghatid ng katotohanan, at ang tamang pakikitungo sa kapwa ay mahalaga sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananaw.

Ayon kay Garcia, sa kabila ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya at paglaganap ng maling impormasyon sa social media ay nananatiling matatag ang Catholic journalism bilang tagapaghatid ng katotohanan at moralidad sa lipunan.

Aniya, mahalaga ang papel ng Catholic journalism sa mainstream media upang labanan ang maling impormasyon at magbigay-inspirasyon sa moral at espiritwal na aspeto ng lipunan.

Binigyang-diin ni Garcia na ang Catholic journalism ay isang misyon na nagbibigay-liwanag sa mga isyung panlipunan gamit ang pananampalataya at prinsipyo ng Simbahang Katoliko. Hindi lamang ito naglalayong maghatid ng balita, kundi pati na rin ng tamang perspektibo na makakatulong sa bawat Pilipino.

Sa hinaharap, nakikita ni Garcia ang Catholic journalism bilang mas makabago at mas epektibong plataporma sa tulong ng modernong teknolohiya. Naniniwala siyang ang mga kabataan, na nagnanais ng katotohanan, ang magiging susi sa patuloy na paglago nito.

Bagamat maraming hamon tulad ng negatibong atake sa Simbahan, nananatili ang Catholic journalism bilang mahalagang boses sa global na larangan. Para kay Garcia, ito ay hindi lamang propesyon kundi bokasyon na naglalayong magpalaganap ng kabutihan, pananampalataya, at katotohanan.

Radyo Veritas: Pamamahayag na Nakaugat sa Pananampalataya at Katotohanan

Ayon pa kay Garcia, ang Radyo Veritas ay naglalayong pagsamahin ang pananampalatayang Katoliko at serbisyong panlipunan. Binigyang-diin niya na ang pananampalataya ay dapat makita sa araw-araw na buhay at pakikisalamuha, alinsunod sa mga pangunahing aral ng Katolikong panlipunang pagtuturo.

Kasama sa programa ng Radyo Veritas ang mga aktibidad tulad ng community outreach, at mga workshop na nagtuturo kung paano isabuhay ang mga prinsipyong Katoliko.

“Ang paglilingkod ay hindi lamang trabaho; ito ay isang tawag na nagmumula sa pananampalataya,” paliwanag ni Garcia. Sa pamamagitan ng programa, inaasahang mabuo ang isang kultura ng kabaitan at pakikiramay, kung saan ang pananampalataya ay hinahabi sa pang-araw-araw na buhay.”

Idinagdag rin ni Garcia na ang Catholic journalism ay nakasentro sa mga isyung moral at espiritwal. Mahalaga rin para sa kanya na ang bawat balita ay dapat magmula sa katotohanan, may positibong layunin, at naaayon sa kalooban ng Diyos. Para sa kanya, ang pananampalataya ang nagbibigay-gabay, lalo na sa mahihirap o delikadong sitwasyon sa pamamahayag.

Sa kabila ng hamon sa pagsasama ng pananampalataya sa modernong pamamahayag, nananatili siyang matatag. Ang bawat artikulo at ulat ay bunga ng panalangin at pagninilay, na naglalayong maghatid ng mas malalim na pang-unawa at pagbabago para sa mga mambabasa.

“Hindi kami naghahabol ng spotlight, ngunit ang misyon namin ay malinaw: dalhin ang liwanag ng katotohanan sa gitna ng ingay at dilim ng mundo,” aniya Garcia.

Pamamahayag bilang Misyon ng Pananampalataya at Pag-asa

Ayon kay Garcia, ang pamamahayag ay hindi lamang paghahatid ng impormasyon kundi isang daan upang maging tulay para sa mga nangangailangan. Sa kanyang trabaho, naipapaabot niya sa simbahan ang mga taong humihingi ng tulong.

Isa sa kanyang pinakamahalagang karanasan ay ang kanyang unang pagbabalita na naganap sa Quezon City, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pananampalataya sa kanyang propesyon. Inspirado ng Birheng Maria, naramdaman niya ang patnubay sa bawat salita, na may layuning magbigay-liwanag at pag-asa sa iba.

Bukod rito, ibinahagi pa ni Garcia, ang pinakatampok na sandali ng kanyang karera bilang mamamahayag at ito ang pag-uulat sa makasaysayang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas noong 2015. Ang pagkakataong ito, ayon sa kanya ay hindi lamang isang propesyonal na tagumpay kundi isa ring malalim na personal at espirituwal na karanasan.

“Hindi lamang ito tungkol sa pag-uulat,” aniya. “Ito’y tungkol sa pagbabahagi ng kwento ng pananampalataya at pag-asa ng isang bansa.”

Dagdag pa ni Garcia na sa kabila ng hamon ng magkakaibang opinyon at paniniwala, mahalaga pa rin ang pagbabahagi ng mga kwento ng pananampalataya at pag-asa. Para sa kanya, ang ganitong gawain ay hindi lamang trabaho kundi isang pribilehiyong maghatid ng inspirasyon at pagkakaisa. (Yen Ocampo, Valerie Fernandez, Victoria Raven Pangilinan, Renz Manalad, Danielle Ann Manansala, Sunshine Banag, Joshuel Kawada)