QUEZON CITY – Nanawagan ang National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) at National Public Transport Coalition (NPTC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ipatigil ang pagpapalawak ng operasyon ng mga motorcycle (MC) taxi hanggang magkaroon ng dayalogo kasama ang mga stakeholder.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Disyembre 18, inihayag ni Ariel Lim, pangulo ng NPTC, ang kanilang pagkabigla sa pagdagdag ng 8,000 MC taxi units sa Region 3 (Central Luzon) at Region IV-A (Calabarzon).
“Hindi sila makapag-expand sa Metro Manila, kaya inililipat nila ang operasyon sa mga karatig-rehiyon. Ang resulta, naapektuhan ang kita ng mga tricycle driver ngayong Kapaskuhan,” ani Lim.
Sinabi ni Lim na mula P600–P700 kada araw ang kinikita ng mga tricycle driver noon, ngunit ngayon ay swerte na kung makapag-uwi ng P300. Binanggit din niya ang sitwasyon sa Angeles City, kung saan hindi pumayag si Mayor Carmelo Lazatin sa MC taxis, ngunit nakapasok pa rin ang Maxim.
“Ang laban na ito ay para sa hapag-kainan ng bawat pamilya. Lalo pang lumiit ang saklaw ng aming operasyon dahil bawal na ang mga tricycle sa Mabuhay Lane,” dagdag ni Lim.
Sa kanyang pahayag, ibinunyag ni Lim ang umano’y pagtanggap ng suhol ng ilang opisyal ng LTFRB. “Mr. President, huwag naman po kaming balewalain. Napakarami nang reklamo mula sa mga TODA sa Cavite, Bacoor, Molino, at iba pang lugar na apektado ng MC taxi expansion.”
Binanggit din niya na may mga LGU na nagbibigay ng pahintulot sa MC taxis kahit labag ito sa interes ng mga TODA. “Tatlong MC taxi providers na ang mayroon tayo — Joy Ride, Angkas, at Move It. Sana huwag nang dagdagan pa.”
Ayon kay Jopet Sison, founding chairman ng QC Tricycle Franchising Board, wala pang batas na nagsasabing pampublikong sasakyan (PUV) ang MC taxis. “Dapat may scientific study at konsultasyon bago magdagdag ng MC taxis. Hindi namin tinututulan ang MC taxi, pero dapat itong i-regulate,” aniya.
Dagdag ni Sison, kailangang magkaroon ng isang national transport plan upang matukoy ang tamang dami ng MC taxis batay sa kapasidad ng kalsada.
Samantala, sinabi ni Reynaldo Bautista, Secretary General ng NACTODAP, na mula pa noong 2017 ay malaki na ang kinikita ng MC taxi operators. Ngunit ang kawalan ng sapat na regulasyon ay nagdudulot ng problema, gaya ng pagbigat ng trapiko at pagbagsak ng kita ng mga tricycle driver.
“Ngayon, mas pinalala pa ito ng multi-app services na ginagamit ng MC taxis. Noon, jeepney ang hari ng kalsada; ngayon, MC taxi na,” ani Bautista.
Nanawagan si Bautista sa DILG na maghigpit sa regulasyon upang maiwasan ang mas malaking kaguluhan sa sektor ng transportasyon. Idinagdag niya, “Ang pangako noon ay mawawala ang habal-habal, pero mas dumami pa sila.”
Sa kabuuan, hiniling ng mga tricycle operators at drivers na ipatigil ang pagdagdag ng MC taxis at magkaroon ng dayalogo upang makahanap ng patas na solusyon sa problema.