image

Upang mapabuti ang kahandaan ng Northern at Central Luzon laban sa lindol at tsunami, inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang Disaster Narratives for Experiential Knowledge-based Science Communication o DANAS Sourcebook na nakasulat sa wikang Ilokano.

Ang aklat na ito ay binuo ng DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) kasama ang Don Mariano Marcos Memorial State University sa La Union, University of the Philippines โ€“ Visayas, at DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development.

Ang DANAS ay naglalaman ng mga personal na kwento ng mga taong nakaranas ng lindol, tsunami, at pagsabog ng bulkan sa rehiyon. Sa paggamit ng lokal na wika, layunin nitong itaas ang kamalayan ng publiko para sa mas mahusay na kahandaan sa sakuna.

Ayon kay Charmaine Villamil, Senior Science Research Specialist ng DOST-PHIVOLCS, mayroong mahigit 300 bulkan sa bansa, kung saan 24 ang aktibo at 27 ang potensyal na aktibo. Sampu sa mga ito, kabilang ang Mt. Pinatubo, Taal, Mayon, at Hibok-Hibok, ay mahigpit na binabantayan ng DOST-PHIVOLCS.

Sinabi ni Teresita A. Tabaog, Direktor ng DOST Regional Office I, na ang mga DANAS Ilokano Sourcebook ay โ€œhindi lamang mga kagamitan, kundi mga tulay na nag-uugnay sa kaalaman ng mga eksperto at karanasan ng komunidad.โ€ Dagdag pa niya, ang proyekto ay naglalayong gawing mas abot-kamay ang impormasyon sa paghahanda sa sakuna sa pamamagitan ng pagsasanib ng siyentipikong datos at lokal na karanasan.

Ayon naman kay Jeffrey S. Perez, Supervising Science Research Specialist ng DOST-PHIVOLCS, nakakaranas ang bansa ng average na 30 lindol bawat araw. Tampok sa DANAS ang mga lokal na karanasan mula sa mga malalaking lindol tulad ng 1983 magnitude 6.5 Laoag earthquake, 1990 magnitude 7.8 Luzon earthquake, 2019 magnitude 6.1 Central Luzon earthquake, at 2022 magnitude 7 Northwestern Luzon earthquake.

Binigyang-diin ni Lucille Rose Sanico, lider ng DANAS component, na layunin ng proyekto na tuldukan ang language barrier sa pagbabahagi ng kaalamang pang-agham sa mga lokal na komunidad. Ang DANAS sourcebook ay naglalaman ng mga personal na kwento at karanasan ng mga lokal habang gumagamit din ng teknikal na termino upang magbigay ng impormasyon sa pagpaplano.

Dagdag pa ni Sanico, magagamit ang sourcebook bilang gabay ng mga guro at Disaster Risk Reduction (DRR) officers sa pagpapalakas ng DRR management. Bukod sa Ilokano, ang mga aklat at video ng DANAS ay mayroon ding bersyon sa Cebuano, Hiligaynon, Tagalog, at Kapampangan.