image

SAN JUAN CITY – Sa ginanap na “The Agenda” Media Forum sa Club Filipino noong Biyernes (Enero 24). Tinalakay ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang isyu ng karahasang pampulitika at paghahanda ng ahensya para sa nalalapit na pambansa at lokal na halalan sa Mayo 12, 2025.

Ayon kay Garcia, umabot sa 716 insidente ng karahasang pampulitika ang naitala, lalo na sa mga liblib na lugar. Inihayag niya na hindi ito bagong sitwasyon at madalas nang nangyayari tuwing eleksyon. Binigyang-diin din niya ang papel ng Philippine National Police (PNP) sa pagpuksa sa mga pribadong armadong grupo na nagdudulot ng kaguluhan tuwing halalan.

Ayon pa kay Garcia, ang pagbili at pagbebenta ng boto ay isang “kanser ng lipunan.” Pinayuhan niya ang mga botante na huwag ibenta ang kanilang boto dahil babawiin lang ng mga politikong nanalo sa daya ang kanilang nagastos sa eleksyon. Dapat palakasin ang edukasyon sa pagboto upang maturuan ang mamamayan kung paano pumili ng tamang lider.

Inihayag din nito na may panukalang amyenda sa Omnibus Election Code na isinumite sa Kongreso upang i-update ang lumang batas sa eleksyon. Aniya, tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihang gumawa ng batas, at tungkulin ng Comelec na ipatupad ito.

Sa usapin ng diskwalipikasyon, sinabi ni Garcia na may mga kandidatong inalis ng Comelec bilang “nuisance candidates” noong Nobyembre 30, 2024. Sa 183 na nagparehistro bilang kandidato sa pagkasenador, 67 na lang ang natira matapos ang pagsusuri ng Comelec.

Sinabi rin ni Garcia na gumagamit ang Comelec ng modernong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence (AI) upang subaybayan ang eleksyon. Gayunman, binalaan niya ang publiko laban sa paggamit ng AI sa pagpapakalat ng maling impormasyon o “fake news.”

Personal na tutol si Garcia sa political dynasty at binanggit niyang may umiiral nang pagbabawal nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), lalo na sa halalan ng Sangguniang Kabataan (SK). Iminungkahi rin niya ang rebisyon sa Omnibus Election Code dahil hindi na ito akma sa kasalukuyang panahon.

Tinututukan din ng Comelec ang isyu ng “flying voters.” Sinisiyasat na nila ang kaso sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, at tiniyak na ipapatupad ang tamang proseso sa pagboto.

Inihayag ni Garcia na sisimulan muli ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota sa Lunes (Enero 27) upang matiyak ang maayos na halalan. Sa kabuuan, kailangang mag-imprenta ng 72 milyong balota bago ang Mayo 12, 2025.

Paalala ni Garcia sa publiko: “Bumoto nang tama at huwag iboto ang may tama.”

image

472702392_1395443544651997_8304202311483219997_n