image

Siniguro ni Marikina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro na manpapatuloy ang pagsusulong ng lokal na pamahalaan sa digitalization ng mga serbisyo upang mapabilis at mapadali ang pakikipagtransaksyon ng mga residente sa city hall.

Ayon sa alkalde, kabilang sa mga serbisyong unti-unting isasailalim sa digital system ang pagbabayad ng multa, pagkuha ng business permits, at iba pang dokumento. Nagsimula na rin umano ang pamahalaang lungsod sa process audit o pagsusuri ng lahat ng proseso upang mabawasan ang mga hindi kinakailangang hakbang at mapabilis ang turnaround time sa pagkuha ng mga dokumento.

Binigyang-diin ni Teodoro na malinaw ang direksyon ng lungsod: gawing contactless ang mga transaksyon upang mabawasan ang personal interaction, maputol ang manual intervention, at masawata ang red tape, fixers, at pang-aabuso.

“Hindi ito overnight change kundi isang sunod-sunod na proseso na magpapalakas sa ating city hall—mula sa internal systems hanggang sa client-facing services,” ani Teodoro sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony.

Dagdag pa niya, ang digitalization ay hindi lamang modernisasyon kundi isang reporma para masiguro na ang serbisyo ng pamahalaan ay mas mabilis, mas episyente, at mas tapat.

“Asahan ninyo ang mas madali, mas mabilis, at mas accessible na paraan ng pagkuha ng serbisyo ng pamahalaan—right at your fingertips,” pagtatapos ni Teodoro.

image