Quezon City – Ipinagdiwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Gabi ng Parangal ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025 noong Agosto 19 sa isang hotel sa lungsod Quezon, kasama ang mga opisyal, panauhin, at tagapagtaguyod ng wika.
Itinatag ang Buwan ng Wikang Pambansa ni Pangulong Manuel L. Quezon noong 1954. Ngayong 2025, pinangunahan ng KWF ang selebrasyon na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”
Ayon kay Dr. Benjamin M. Mendillo, Jr., KWF Commissioner sa Pangasiwaan at Pananalapi at kinatawan ng wikang Ilokano, ipinagdiriwang ngayong buwan ang kaarawan ni Quezon. Aniya, mahalaga ang Ingles para sa transaksyon, ngunit ang Filipino ang nagpapalalim ng pagkaunawa sa ating kultura. “Ipagdiwang natin na mayroon tayong sariling wikang Filipino,” dagdag niya.
Nagpadala ng video message sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Sen. Loren Legarda, at Chief Justice Alexander Gesmundo na nagpahayag ng pakikiisa. Binati ni Escudero ang KWF sa pagtataguyod ng wika, habang iginiit ni Gesmundo na ang paggamit ng wikang naiintindihan ng tao ay mahalaga upang makamtan ang katarungan.
Nagpasalamat naman si KWF Chairperson Marites A. Barrios-Taran sa lahat ng dumalo at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang pagkakatalaga. Itinuring niyang makasaysayan ang pagdiriwang dahil ito’y kasabay ng 124th kaarawan ni Quezon. Ipinaliwanag din niya ang mandato ng KWF na isulong ang Filipino at mga katutubong wika sa pamamagitan ng mga proyekto gaya ng Salin Wika at Sentro ng Wika at Kultura, at binigyang-diin ang Executive Order No. 335 na nag-uutos ng paggamit ng Filipino o katutubong wika sa lahat ng opisyal na komunikasyon ng gobyerno.
Mananaysay ng Taon 2025:
– Klara D. Espedido, “Ang Metanaratibo ng Paglabag Bilang Saligang Paretyeya at Penahirang sa Preserbasyon ng mga Wikang Katutubo.”
Iba pang nagwagi:
– Emersan D. Baldemor – Ikalawang Gantimpala, “Amba, Di Ak Kalimdan”
– Precioso M. Dahe, Jr. – Ikatlong Gantimpala, “Sa Piling ng Pig-Alaran, Kulaman, at Abyan”
– Brian Harold M. Comeling – May Karangalan, “Hinabing Salinlahi, Ilo ng Katutubo”
– Robert A. Andres – May Karangalan, “Ang Tinig na Hindi Nawawala”
Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2025 ay iginawad sa:
Camarines Norte State College (CNSC), Biliran Province State University (BipSU), Cebu Normal University (CNU), Catanduanes State University (CatSU), Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), Bicol University (BU), at Davao Oriental State University (DorSU).
Nagbigay ng closing remarks si Dr. Carmelita C. Abdurahman, KWF Commissioner at kinatawan ng wikang Samar-Leyte. Dumalo rin ang iba pang commissioners na sina Dr. Christian T. N. Aguado (Southern Cultural Community), Dr. Reggie O. Cruz (Kapampangan), Dr. Evelyn C. Oliquino (Bikol), Dr. Melchor E. Orphilla (Pangasinan), at Dr. Ruth M. Tindaan (Northern Cultural Community) at maraming ibapa.