SAN JUAN CITY — Nagsama-sama ang iba’t ibang grupo at organisasyon sa multi-sectoral briefing ng ARTIKULO ONSE nitong Lunes, Setyembre 15, 2025, sa Club Filipino, San Juan.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kilalang personalidad kabilang sina Hon. Lorenzo “Erin” Tañada III, Atty. Jose Virgilio “JV” Bautista, Mong Palatino ng BAYAN, Leodegario “Ka Leody” De Guzman ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Lidy Nakpil, at Flora Santos. Nakibahagi rin ang mga organisasyong gaya ng SANLAKAS, 1Sambayan, Bayan Muna, Philippine Center for Islam and Democracy, PLM, at iba pang civil society groups na nagsusulong ng katarungan at mabuting pamamahala.
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Ka Leody De Guzman ang kahulugan at pangunahing layunin ng ARTIKULO ONSE: wakasan ang katiwalian at tapusin ang political dynasty na aniya’y ugat ng talamak na korapsyon sa bansa. Giit niya, hindi lamang sina Marcos at Duterte ang dapat sisihin kundi halos lahat ng nagdaang administrasyon na nagpapanatili ng sistemang pampulitikang pabor sa iilang pamilya.
Binigyang-diin din ni Ka Leody na hindi sapat ang pagtatatag ng espesyal na komite ng gobyerno. Kailangan umano ang isang Independent People’s Commission na binubuo ng mga kinatawan mula sa manggagawa, magsasaka, transportasyon, at iba pang sektor upang tunay na matukoy ang pangangailangan ng mga Pilipino. Dagdag pa niya, kung seryoso ang gobyerno sa pagbabago, dapat simulan ito sa pagwawakas ng political dynasty na nagsisilbing ugat ng katiwalian at kawalan ng hustisya sa bansa.
Samantala, ibinahagi naman ni Mong Palatino ng BAYAN ang mga nakatakdang aktibidad ng iba’t ibang grupo bilang paghahanda sa Setyembre 21, isang mahalagang petsa sa kasaysayan ng bansa.