image

SAN JUAN CITY — Nanawagan si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson nitong Biyernes (Setyembre 19) sa kabataan na pamunuan ang isang mapayapang rebolusyon laban sa korapsyon sa pamahalaan.

Sa isang press conference sa Club Filipino, iginiit ni Singson na ayaw nilang magkaroon ng kaguluhan at ang hangad lamang ay kapayapaan at paglilinis ng gobyerno.

Binatikos niya ang umano’y anomalya sa flood control projects, partikular sa Ilocos Norte na nagkakahalaga ng ₱10 bilyon. Tinukoy niya ang St. Matthew Construction na may kontratang halos ₱1 bilyon at St. Gerrard Construction na may ₱600 milyon. Ayon sa kanya, “Paano nila hindi malalaman ang mga proyektong ito?”

Pinuri rin niya si ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) bilang mga taong may integridad. Ngunit iginiit niyang kung aasa lamang sa imbestigasyon ng Senado, aabutin ito ng matagal.

Hinimok ni Singson ang mga estudyante sa high school at kolehiyo na huwag munang pumasok sa klase bilang anyo ng protesta hanggang sa magbitiw ang mga tiwaling opisyal. Nanawagan din siya sa mga heneral ng militar na payagan ang kanilang mga anak na makilahok sa kilos-protesta.

Aniya, “Ito’y para sa inyong kinabukasan. Kami ay tumutulong lamang sa inyo.”

Binatikos ni Singson ang administrasyong Marcos, lalo na sa isyu ng pambansang badyet at umano’y mga “budget insertions.” Aniya, kung walang alam ang Pangulo sa mga ito, “wala siyang silbi,” at kung may “delicadeza,” dapat ay pinatigil niya ito.

Tinawag din niyang “walang word of honor” si Marcos matapos suportahan ng anak nitong si Rep. Sandro Marcos ang impeachment laban kay VP Sara Duterte, kahit pa sinabi ng Pangulo na ayaw niya ng impeachment.

Dagdag pa ni Singson na wala nang “Solid North” at hindi siya pabor sa political dynasty.

Nanawagan siya sa ICI na unahin ang imbestigasyon sa Ilocos Norte at Bicol kung saan umano’y sangkot si Rep. Rizaldy Co sa mga proyekto. Tinawag niyang “kidnapping” ang pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala raw warrant of arrest.

Iginiit din niya na hindi dapat makipagbanggaan si Marcos sa China sa West Philippine Sea dahil may iba pang claimant countries. “Maganda ang ating mga batas, ang masama lang ay implementasyon,” ani Singson.

Sa huli, nanawagan siya sa militar, simbahan, at kabataan na magkaisa upang palitan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.