Demolisyon ng mga istrukturang nakaharang sa ilog, mas pinalakas na serbisyong medikal, at mas mahigpit na polisiya sa migrasyon, binigyang-diin ng alkalde.
CAINTA, Rizal — Ipinahayag ni Mayor Atty. J. Keith “Kit” P. Nieto nitong Miyerkules (Oktubre 1) na kailangang ipagpatuloy ang demolisyon ng mga istrukturang itinayo sa mga daluyan ng tubig sa Cainta.
Sa panayam ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps, sinabi ng alkalde na hindi lang iisang barangay ang apektado kundi mayroong humigit-kumulang 40 istrukturang gawa sa semento at magagaan na materyales.
“Dapat maipaliwanag sa kanila (informal settlers) na talagang kailangang gibain ang mga ito. Ginagamit na nila ang ilog bilang tirahan kaya nagkakaroon ng bara. Dahil dito, hindi makadaloy nang maayos ang tubig,” paliwanag ni Nieto.
Dagdag pa niya, may kaakibat na multa at parusa ang maling pagtatapon ng basura at dumi.
Ibinahagi rin ng alkalde ang pagtulong sa isang pasyenteng may cancer na lumapit sa kanya. “Kung anong pondo ang maibibigay ng lokal na pamahalaan, malaking tulong ito. Hindi lang pinansyal ang problema, kundi pati kalagayan ng katawan ng pasyente,” aniya.
Plano rin niyang humingi ng tulong sa Department of Health (DOH) at maghanap ng pediatric oncologist para sa mga batang may cancer.
Ipinagmalaki ni Nieto na mayroon nang sariling MRI machine ang Cainta Hospital na dapat mayroon na rin itong 48 espesyalista at kulang na lamang sa ilang sub-specialty.
“Bago, wala tayong developmental therapy, pero ngayon may 48 espesyalista . Hangga’t kaya, tutulong tayo,” dagdag pa niya.
Tungkol naman sa migrasyon, iginiit ni Mayor Nieto na mahigpit nilang ipinatutupad ang polisiya ng “isang bahay, isang residente kada barangay” upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.
“Kung madidiscourage natin ang mga migrants, hahanap sila ng ibang lugar. Ang prayoridad natin ay mga taga-Cainta. Pero pagdating sa kalusugan, walang hangganan ‘yan. Hindi mo puwedeng hingan pa ng ID ang isang taong nakikipaglaban para mabuhay,” paliwanag niya.
Tinalakay din ng alkalde ang isyu ng paggamit ng motorbike at e-bike ng mga menor de edad. “Pwede nating ipagbawal ang mga bata na gumamit nito, pero pinapayagan ang mga senior citizens. May pagkakataon na pinayagan ito ng national government pero kalaunan ay ipinagbawal din,” aniya.
“Sa awa ng Diyos, nakayanan natin sa loob ng 12 taon. Ang bawat pagbabago ay malaking tulong,” pagtatapos ni Nieto.

