NUC inilabas ang Manifesto Against Corruption at pinangunahan ang Cooperative Summit sa Baguio City
QUEZON CITY, Oktubre 1, 2025 — Nanindigan ang National Union of Cooperatives (NUC) laban sa korapsyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng Manifesto Against Corruption at pagsasagawa ng National Cooperative Summit (NCS) 2025 na may temang “Harnessing the Collective Power: Economics of Cooperation.”
Sa kanilang manifesto, iginiit ng NUC ang masusing imbestigasyon at pag-usig sa mga sangkot sa maling paggamit ng pondo para sa imprastruktura, pagbawi ng nakaw na yaman, mas malinaw na proseso sa public bidding, proteksyon sa mga whistleblowers, at pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law. Nanawagan din sila ng reporma sa mga institusyong gaya ng Ombudsman at Commission on Audit (COA).
“Ang korapsyon ay pumipinsala sa ekonomiya at lalo na sa mahihirap na sektor. Ang mabuting pamamahala ay katumbas ng pambansang pag-unlad,” pahayag ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Chairperson ng NUC.
Kasabay nito, ginanap ang National Cooperative Summit 2025 sa Baguio City na dinaluhan ng mahigit 5,000 lider ng kooperatiba mula sa iba’t ibang rehiyon. Layunin ng pagtitipon na ipakita ang pinakamahusay na praktis sa kooperatiba, at talakayin ang mga programa para sa inclusivity, sustainability, at environmental advocacy. Tampok dito ang keynote address ni Mr. Ander Etxeberria Idigoras mula sa Mondragon Cooperative ng Basque, Spain.
Ang NUC ay binubuo ng 42 malalaking sekondaryang kooperatiba, 23 pederasyon, at 19 unyon na may kabuuang network ng halos 8,000 primary cooperatives at tinatayang 8–10 milyong kasapi sa buong bansa. Karamihan sa kanilang miyembro ay mula sa grassroots, kabilang ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs), pati na rin ang mga sektor na kabilang sa mahihirap at vulnerable na komunidad.
Nakatakdang idaos ng NUC Visayas members at affiliates ang susunod na National Cooperative Summit sa 2027.
About the National Union of Cooperatives (NUC):
Ang NUC ay isang pambansang tertiary cooperative union na nakatuon sa pagpapatibay ng identidad ng kooperatiba, pagbibigay-boses sa sektor, at pagpapalakas ng pagkakaisa para sa isang mas matatag na kilusang kooperatiba. Pormal itong nakarehistro sa Cooperative Development Authority (CDA) at kasalukuyang kumakatawan sa milyon-milyong miyembro ng kooperatiba sa buong bansa.

