image

MAYNILA — Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na milyon-milyong halaga ng evacuation kits at relief goods ang naipamigay na nito sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong “Opong” sa Masbate at ng malakas na lindol na may lakas na 6.9 magnitude sa Cebu.

Ayon sa PCSO, araw-araw ang pagpapadala ng tulong sa pamamagitan ng C-130 flights at barkong “Gabriela Silang” ng Philippine Coast Guard. Noong Linggo, Oktubre 5, nagsimula rin ang PCSO caravan mula Maynila na magdadala ng karagdagang tulong sa dalawang rehiyon.

Kasama sa ipinadala ng caravan ang malaking bilang ng relief supplies para sa mga naapektuhang probinsya. Nagdala rin ito ng 11 patient transport vehicles (PTVs) para sa Cebu, at limang dump truck mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan.

Kasama rin sa convoy ang limang wing van at isang bus na puno ng relief goods para sa mga pamilyang nangangailangan.

Idineklara na ang state of calamity sa Masbate matapos masalanta ng bagyo na nagdulot ng libo-libong evacuees, pagkasira ng mga bahay, at pinsala sa mga sakahan.

Sa Cebu naman, mahigit 20,000 katao ang nawalan ng tirahan dahil sa lindol. Pinakaapektado ang mga bayan ng Bogo City, Medellin, at San Remigio, kung saan marami pa ring residente ang nananatili sa evacuation centers o natutulog sa labas dahil sa mga aftershock.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, “Hindi tayo maaaring tumalikod sa pagdurusa ng ating mga kababayan sa Masbate at Cebu. Tungkulin nating tumulong hanggang sa marating ng tulong ang bawat sulok ng mga komunidad.”

Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito, pinapatunayan natin ang ating prinsipyo na ‘Hindi Umuurong sa Pagtulong.’”

image

image