image

Mas mapapadali na ang biyahe ng mga pasahero sa pagitan ng dalawang lugar matapos lagdaan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Cainta Mayor Keith Nieto noong Nobyembre 6 ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na layuning payagan ang mga tricycle na maghatid ng pasahero sa magkabilang lungsod nang walang bayad sa “passing-through” fee at nang hindi na kailangang lumipat sa ibang tricycle.

Sa ilalim ng kasunduan, tinanggal na ang dating border restrictions para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) mula sa Pasig at Cainta. Sa bagong patakaran, pinapayagan na silang magbaba ng pasahero sa kabilang lungsod, ngunit hindi pa rin maaaring magsakay doon upang mapanatili ang kaayusan at patas na operasyon sa magkabilang panig.

Ayon kina Sotto at Nieto, malaking tulong ito sa mga commuter na araw-araw bumabyahe sa pagitan ng Pasig at Cainta. Hindi na nila kailangang bumaba sa hangganan upang lumipat sa ibang tricycle o maghintay ng panibagong sakay, kaya’t makatitipid sila ng oras, pamasahe, at abala.

Ipinahayag ni Mayor Vico Sotto na patunay ang kasunduan na kayang magtulungan ng mga karatig-lungsod para sa kapakanan ng mamamayan. “Ito ay halimbawa na kapag nagkaisa ang mga lokal na pamahalaan, mas mapapadali ang buhay ng mga tao,” aniya.

Pinaalalahanan din niya ang mga miyembro ng TODA at mga tsuper na sumunod sa mga alituntunin upang maiwasan ang alitan o hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga grupo. Ipinaalala niyang maaaring bawiin ang kasunduan kung magkakaroon ng problema sa pagpapatupad, ngunit kung magiging maayos ang sistema, posible itong gawing permanente.

Sinabi naman ni Mayor Keith Nieto na ang paglagda sa MOA ay isang tunay at taos-pusong hakbang tungo sa pagkakaisa ng dalawang pamahalaang lokal. Dagdag pa niya, nagpapakita ito ng pagkilala ni Sotto sa kahalagahan ng sektor ng mga tricycle driver bilang bahagi ng komunidad na dapat suportahan at pahalagahan.

“Hindi natin dapat tignan ang mga katabi nating lugar bilang kalaban. Dito sa atin, sa Pasig at sa Cainta, walang borders. Nagtatrabaho tayo para sa kapakanan ng mas nakararami,” ani Nieto.

Inaasahan ng dalawang alkalde na magsisilbing modelo ang kasunduang ito para sa iba pang mga lungsod at bayan sa Metro Manila at Rizal upang higit pang mapabuti ang pampublikong transportasyon at mapalakas ang pagtutulungan ng mga LGU para sa kaginhawahan ng mga mamamayan.

image