image

Matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan, puspusan na ang ginagawang pagkukumpuni ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang maibalik ang mga nasirang linya ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay NGCP spokesperson Cynthia Alabanza sa isang press conference sa San Juan City, 16 na transmission structures ang bumagsak, 12 ang nakatagilid, at 26 na iba pa ang may naputol na kable.

“As of 9 a.m., there are 16 toppled structures… Mountain Province still doesn’t have transmission services,” ani Alabanza.

Paliwanag ng NGCP, may mga lugar pa ring walang kuryente dahil hindi pa naaabot ng mga electric cooperative ang ilang nasirang bahagi. Sa Luzon, may partial transmission services sa Camarines Sur, Albay, Sorsogon, at Quezon, habang sa Visayas, Northern Samar lang ang apektado.

“The rest of the country has normal transmission services. But it doesn’t mean that electricity service is complete,” dagdag pa ni Alabanza.

Hindi pa masabi ng NGCP ang kabuuang halaga ng pinsala dahil nakatuon pa sila sa restoration. “It will take a few more months before we can estimate the cost,” aniya.

Binigyan naman ng Department of Energy (DOE) ng 10 araw ang NGCP para tapusin ang pagkukumpuni, at tiniyak ng kompanya na kaya nilang matapos ito sa itinakdang panahon.

Kasabay nito, inanunsyo ng NGCP na may bahagyang pagtaas sa transmission rates ngayong Nobyembre dahil sa mas mataas na Ancillary Services (AS) charges.

Tumaas ng P0.0997/kWh ang AS rates, habang bahagyang umakyat din ang transmission wheeling rate ng P0.0034/kWh. Nilinaw ng NGCP na hindi sila kumikita sa dagdag-singil na ito dahil diretso itong napupunta sa mga generation companies at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).

Sa kabuuan, may 7.91% na pagtaas sa average transmission rate para sa Oktubre 2025 billing period, na katumbas ng dagdag na P0.11 kada kilowatt-hour sa bayarin ng mga konsumer.

image

image