Marcos at Dinastiya, Ugat ng Kahirapan — Bagong Aklat

QUEZON CITY — Lantaran at walang paligoy na binanatan ang paghahari ng mga political dynasty, baluktot na kasaysayan, at patuloy na kahirapan ng mga Pilipino sa paglulunsad ng aklat na “Dynasty & Deception: Marcos Restoration, Oligarchic Rule, and the Unyielding Poverty of the Filipino People” noong Lunes (Enero 19) sa Kamuning Bakery Café.

Sa ginanap na Pandesal Forum na pinangunahan ng beteranong mamamahayag na si Rod Cornejo, inilunsad ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) ang aklat na tinawag nilang napapanahon at mapangahas, na layong ilantad ang ugat ng hindi matapos-tapos na kahirapan at konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya sa pulitika.

Ayon kay Prof. Bobby M. Tuazon, isa sa mga awtor, ang libro ay inilunsad bilang pagpupugay rin sa yumaong CenPEG Chairman na si Prof. Temario C. Rivera. Aniya, malinaw na tinatalakay ng aklat ang mga dinastiyang Marcos at Duterte at ang sistemang nagpapanatili sa kanila sa kapangyarihan.

Binigyang-diin ni Tuazon na sa kabila ng mahabang panahon ng pamumuno ng mga dinastiyang politikal, nananatiling baon sa kahirapan ang malaking bahagi ng mamamayang Pilipino.

Tinalakay rin niya ang magkaibang pananaw nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte sa usaping panlabas, lalo na sa relasyon ng Pilipinas sa China at Estados Unidos. Ayon kay Tuazon, mas nakatuon umano ang kasalukuyang administrasyon sa tulong-militar kaysa tulong-ekonomiya mula sa US.

Binanggit din ang paggamit sa Subic at iba pang lugar sa bansa para sa mga aktibidad militar, kabilang ang ilang lugar sa Mindanao na hindi saklaw ng EDCA, ayon kay Prof. Roland Simbulan, bagong Chairman ng CenPEG.

Sinabi ni Simbulan na patuloy na ginagamit ng Estados Unidos ang kapangyarihang militar at ekonomiya upang mapanatili ang impluwensiya nito sa iba’t ibang panig ng mundo, bagay na aniya’y naglalapit sa rehiyon sa tensyon at posibleng sigalot.

Tinuligsa rin ng CenPEG ang ilang panukalang Anti-Political Dynasty Bill at mga hakbang na baguhin ang Party-List System, na ayon sa mga kritiko ay lalo lamang nagpapalakas sa kapangyarihan ng mga magkakapamilyang politiko.

Bilang pagtatapos, nanawagan si Simbulan na bumuo ng isang ikatlong puwersa at isulong ang isang tunay na malaya at independenteng foreign policy, lalo’t ang Pilipinas ang magsisilbing host ng ASEAN Summit ngayong taon. Aniya, dapat manaig ang diplomasya at kapayapaan sa halip na pagpanig sa alinmang makapangyarihang bansa.

Facebook Comments