QUEZON CITY — Naglunsad ng Mining Hell Week ang Alyansa Tigil Mina (ATM) noong Lunes (Marso 9) sa Quezon City kasama ang mga lider ng komunidad mula sa iba’t ibang lugar sa bansa upang igiit ang pagpapatigil sa mapaminsalang pagmimina at ipagtanggol ang kanilang kalikasan at kabuhayan.
Ang mga lugar na may anti-mining barricade ay matatagpuan sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya; MacArthur, Leyte; Homonhon Island at Manicani Island sa Guiuan, Eastern Samar; at Sibuyan Island sa Romblon.
Sa press conference, sinabi ni Jaybee Garganera, national coordinator ng ATM, na nakikiisa ang kanilang grupo sa pagdiriwang ng Women’s Month at sa mga komunidad na apektado ng pagmimina. Ayon sa kanya, sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay marami umanong naaprubahang mining permits, na aniya’y nagdudulot ng “baha” ng pagmimina, pagbaha, at maging katiwalian at impluwensya ng mga political dynasty.
Binanggit din niya na batay sa Statement of Contributions and Expenses (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec), may mga political dynasty na umano’y nakikinabang sa pagmimina. Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga batas tulad ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) at Clean Air Act upang maprotektahan ang kalikasan.
Sinabi ni Brenie Morcilla ng UNLAD-Leyte na naaapektuhan ng pagmimina sa kalapit na lugar ang kanilang mga taniman ng palay, kaya nanawagan siyang itigil ito upang magkaroon ng mapayapang pamumuhay ang kanilang komunidad.
Ayon naman kay Elizabeth Ibanez ng Sibuyanons Against Mining (SAM), tatlong taon nang nagpapatuloy ang kanilang barricade sa Sibuyan Island laban sa pagmimina ng Alta Mining Corporation. Aniya, higit na naaapektuhan ang kababaihan at ang susunod na henerasyon dahil sa pinsala ng pagmimina sa kanilang lugar.
Sinabi ni Carmi Macapagao, pangulo ng Homonhon Environmental Advocates and Rights Defenders (HEARD), na naglagay sila ng barricade noong 2023 dahil sa umano’y paglabag sa environmental laws at kakulangan sa konsultasyon sa komunidad. Hiniling din nila ang pormal na Cease and Desist Order (CDO) laban sa karagdagang pagmimina habang iniimbestigahan ang operasyon.
Samantala, nanawagan si Elizabeth Cabal ng Protect Manicani Island Society Inc. (PROMISI) na kanselahin ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at Environmental Compliance Certificate (ECC) ng mga mining company dahil sa pinsalang dulot nito sa kanilang mga bundok at lupang sakahan.
Pinuri naman ni Akbayan Rep. Perci Cendaña ang mga kababaihang nangunguna sa paglaban sa mapaminsalang pagmimina. Ayon sa kanya, tinatayang 0.4% lamang ang ambag ng pagmimina sa lokal na ekonomiya ng mga apektadong komunidad, kaya nanawagan siyang gawing prayoridad ang pagpasa ng House Bill 1852 sa Kamara.
Kasabay nito, inilunsad din ng ATM ang kanilang ulat na “UnderMining Rights: Mining-Induced Human Rights Violations and Environmental Destruction,” na naglalayong ilantad ang mga epekto ng pagmimina sa kalikasan, kabuhayan, at karapatang pantao ng mga komunidad sa bansa.
Facebook Comments