LOS BAÑOS, Laguna — Malaki ang potensiyal ng mga high-value crop tulad ng ube upang mapataas ang kita ng maliliit na magsasaka at mapalakas ang kanilang kakayahang harapin ang epekto ng climate change.
Ito ang binigyang-diin sa Agriculture and Development Seminar Series (ADSS) ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) noong Hulyo 28, 2026.
Ayon kay Joseph Manicad, direktor ng High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture (DA), mahalaga ang crop diversification, climate-smart technologies at value-adding upang mapalakas ang kita at katatagan ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga estratehiya ang pagproseso ng mga ani upang maging mas mataas ang halaga ng produkto, gaya ng ube powder, munggo mix, jackfruit chips at iba pang processed food.
Samantala, ipinakita ni Dr. Antonio Lalusin ng University of the Philippines Los Baños ang pag-aaral sa iba’t ibang uri ng Philippine ube upang matukoy ang mga may mataas na ani, magandang kalidad at potensiyal sa merkado.
Sa isinagawang field trials, nanguna ang Villasis 2, na nakapagtala ng average na ani na 60.32 tonelada kada ektarya.
Kabilang din sa walong promising ube varieties ang Villasis 1, San Felipe, Carigar, LA63, Mabitac 2, Batangas at Kinampay.
Ayon kay Lalusin, umabot sa US$3.06 milyon ang export ng ube noong 2025, ngunit nananatiling malaking hamon ang kakulangan sa suplay. Tinatayang 13,535 tonelada lamang ang domestic production noong 2022, kumpara sa tinatayang demand na 49,000 tonelada.
Batay sa pag-aaral, maaari ring maging mataas ang kita sa ube production. Sa regular season, ang ani na 30 tonelada kada ektarya ay maaaring magbigay ng tinatayang ₱1.432 milyon na netong kita, habang nasa ₱832,000 naman ang maaaring kitain sa off-season.
Binigyang-diin sa seminar na mahalagang pagsamahin ang climate adaptation, crop improvement, value-adding at market development upang makalikha ng mas matatag at mas kumikitang kabuhayan para sa maliliit na magsasaka.