QUEZON CITY — Itinulak ng mga kinatawan ng pamahalaan, eksperto at mananaliksik ang pagpapalakas ng mga patakaran at programa upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata sa media, kasabay ng panawagan para sa mas malawak na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor.
Ito ang naging sentro ng mga talakayan sa ikalawang araw ng Philippine Conference on Children and Media (PCCM) 2026 noong Oktubre 26 sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City.
Sa ilalim ng temang “Building a Safe, Dynamic, and Child-Friendly Media Environment,” tinalakay ang mga patakaran, pananaliksik at mga hakbang upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga batang Pilipino, gayundin ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya at iba’t ibang sektor.
Sinuri rin ng mga kinatawan ng pamahalaan, mga non-government organization at civil society ang kani-kanilang tungkulin, mga hamon sa pagpapatupad ng mga programa, at mga kakulangan sa koordinasyon na nakaaapekto sa proteksiyon ng mga bata sa tradisyonal na media at digital platforms.
Itinampok sa programa ang mahahalagang probisyon ng panukalang batas tungkol sa mga bata at media, gayundin ang mga paninindigan ng Children and Media Compact. Layunin ng mga talakayang ito na matukoy ang magkakatulad na prayoridad at mga hakbang upang higit pang mapatatag ang proteksiyon sa mga bata sa kapaligiran ng media.
Sa hapon, idinaos ang National Research Forum on Children and Media 2026, na nag-ugnay sa mga usaping pangpatakaran at mga resulta ng pananaliksik tungkol sa karanasan ng mga bata sa media, pakikilahok nila sa digital platforms, at mga gawaing nagtataguyod ng ligtas at makabata na kapaligiran sa media.
Ipinresenta ng mga mananaliksik at edukador ang iba’t ibang pag-aaral, kabilang ang paggamit ng social media ng Generation Alpha at mga hakbang ng mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak; digital media literacy at kaalaman ng mga senior high school student tungkol sa proteksiyon ng mga bata; media at information literacy; at mga karanasan sa inclusive classrooms.
Tinalakay rin ang paggawa ng maiikling video at mga balitang nasa vertical video format, gayundin ang paggamit ng digital applications upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kalinisan at wastong paghuhugas ng kamay.
Nakatuon ang mga presentasyon sa mga kagustuhan at representasyon ng mga bata sa media, media literacy, digital engagement, mga kakulangan at pamantayan sa nilalaman, napapanatiling sistema ng produksyon ng media, at mga bagong paraang makatutulong sa pagpapaunlad nito.
Nagkaroon din ng mga talakayang panggrupo at bukas na forum upang mapagpalitan ng mga kalahok ang kanilang pananaw sa mga pag-aaral at ang posibleng epekto ng mga ito sa mga patakaran at aktuwal na gawain.
Nagtapos ang ikalawang araw sa isang diyalogo tungkol sa mga patakaran at pananaliksik na nilahukan ng iba’t ibang sektor. Pinagsama-sama rito ang mahahalagang punto ng mga talakayan at mga mungkahing hakbang.
Binigyang-diin sa diyalogo ang kahalagahan ng pag-uugnay ng pananaliksik, pagbuo ng mga patakaran at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan at karanasan ng mga batang Pilipino sa kapaligiran ng media.
Bahagi ang PCCM 2026 ng apat na araw na pambansang pagtitipon ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, media, akademya, civil society, creative sector at mga organisasyong nakatuon sa kapakanan ng mga bata.
Layunin ng kumperensiya na magsilbing plataporma para sa diyalogo at pagtutulungan sa pagbuo ng mga patakaran, pamamaraan at pakikipagtuwang na maglalagay sa mga karapatan, kapakanan at pag-unlad ng mga bata sa sentro ng kapaligiran ng media.