SEARCA, WFP at ASEAN partners, isinusulong ang sustenableng feeding program sa Timog-Silangang Asya

SEARCA-WFP

PHNOM PENH, CAMBODIA — Pinagkaisahan ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), World Food Programme (WFP) at iba pang katuwang sa rehiyon ang mga hakbang upang palakasin ang sustenableng school feeding programs sa Timog-Silangang Asya.

Sa isinagawang regional workshop noong Oktubre 19–20, 2026 sa Phnom Penh, Cambodia, sinuri ng mga delegado ang kalagayan ng mga programa sa pagpapakain sa mga mag-aaral sa rehiyon at tinukoy ang mga prayoridad para sa isang panrehiyong action roadmap ng ASEAN.

Dinaluhan ito ng 72 kalahok, kabilang ang 48 personal na dumalo at 24 na lumahok online. Kabilang sa mga kinatawan ang mga mananaliksik mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN, WFP, pamahalaan ng Cambodia, Korea International Cooperation Agency (KOICA), at ASEAN Secretariat.

Binigyang-diin ni Soung Savath, Alternate Leader ng Cambodia sa ASEAN Senior Officials Meeting on Education (SOM-ED), na ang school feeding programs ay pangmatagalang pamumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mga bata, pagpapaunlad ng yamang-tao at katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.

Hinimok naman ni SEARCA Center Director Dr. Mercedita Sombilla ang mga delegado na suriin ang mga paunang resulta ng pag-aaral at magbahagi ng mga makabagong pamamaraan na angkop sa magkakaibang kalagayan ng mga bansa.

Ayon kay WFP Cambodia Representative and Country Director Kyung-nan Park, mahalagang maisalin ang mga datos at natuklasan sa kongkretong plano upang matugunan ang mga karaniwang suliranin sa nutrisyon at pag-access sa edukasyon.

Binigyang-diin din ni Cambodia Ministry of Education, Youth and Sport Secretary of State Dr. Oung Borat ang papel ng school meals sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon at pagbabawas ng kahirapan, kasabay ng panawagan para sa mas matibay na pagtutulungan ng mga bansa sa ASEAN.

Tinalakay sa mga teknikal na sesyon ang mga umiiral na pambansang polisiya, pamantayan sa seguridad sa pagkain at nutrisyon, at mga hamon sa pagpapatupad ng feeding programs. Bumuo rin ang mga delegado ng mga rekomendasyon hinggil sa pagpopondo, pagbili ng lokal na produkto, paghahanda sa epekto ng climate change, at paggamit ng digital technology.

Sa ikalawang araw, pinagsama-sama ng mga kalahok ang kanilang mga rekomendasyon upang makabuo ng burador ng Regional Action Roadmap para sa school meals, sa pangunguna ni Dr. Imelda Angeles-Agdeppa, Project Leader ng School Meals Project.

Nakipagpulong din ang mga delegado sa Health and Education Divisions ng ASEAN Secretariat upang tukuyin ang mga mekanismo at hakbang para maisama ang panukalang roadmap sa mas malawak na mga programa at polisiya ng ASEAN.

Layunin ng inisyatiba na maitatag ang mga pangmatagalan at pinopondohan ng bawat bansa na programa sa pagpapakain sa mga mag-aaral upang mapabuti ang kalusugan ng mga bata, edukasyon at seguridad sa pagkain sa buong Timog-Silangang Asya.

Facebook Comments