EDRIANNA MARIE VILLARUZ
Undersecretary General, Student Council Alliance of the Philippines (SCAP)
QUEZON CITY — Nagbabala ang mga lider-estudyante na lalo lamang lalawak ang mga hadlang sa edukasyon kung ipatutupad ang panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga Pilipinong wala pang 18 taong gulang.
Ayon sa Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), malaking tulong ang social media sa pag-aaral ng mga kabataan dahil dito sila nakakakuha ng mga impormasyong pang-edukasyon, anunsiyo ng scholarship, nakikilahok sa academic communities at nakakahanap ng iba pang oportunidad.
Pinangunahan ng SCAP ang press conference na may temang “Ban Predators, Ban Groomers, Not Learners” sa Max’s Restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City, na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga pamantasan at paaralan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Edrianna Villaruz, Under-Secretary-General ng SCAP, na nagsisilbing karagdagang silid-aralan ang social media para sa maraming estudyante, lalo na sa mga umaasa rito upang matuto at makakuha ng mahahalagang impormasyon.
Hindi naman minamaliit ng grupo ang mga panganib sa internet tulad ng cyberbullying, online grooming, sexual exploitation, maling impormasyon at mga scam. Gayunman, iginiit nitong hindi tamang solusyon ang tuluyang pagharang sa access ng kabataan sa social media.
Sa halip na pagbawalan ang lahat, hiniling ng SCAP na habulin at panagutin ang mga online predator at groomer na nagsasamantala sa mga kabataan.
Inilatag din ng grupo ang limang mungkahing hakbang: protektahan ang mga bata nang hindi pinaparusahan ang responsableng kabataang gumagamit ng social media; panatilihing bukas ang mga digital platform para sa pag-aaral; palakasin ang pagpapatupad ng batas at sistema ng pagrereklamo laban sa mga online predator; panagutin ang mga social media platform sa privacy at kaligtasan ng mga gumagamit; at palawakin ang digital literacy ng mga estudyante.
Naglahad din ng kanilang pananaw ang mga lider-estudyante mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Batasan Hills National High School at Adamson University, kasama ang mga kinatawan ng National Federation of Supreme Secondary Learner Government (NFSSLG) at Student Leaders for Good Governance (SLGG).
Nanawagan ang SCAP sa mga mambabatas, ahensiya ng pamahalaan at mga kompanya ng teknolohiya na isama ang kabataan sa pagbuo ng mga patakaran para sa kaligtasan sa internet.
Binigyang-diin ni Villaruz na dapat protektahan ang kabataan, panagutin ang mga umaabuso at tiyaking hindi mawawala ang mga oportunidad ng bawat estudyante.