MARIKINA, IPINAGMALAKI SA ASEAN DELEGATES ANG WORLD-CLASS NA SAPATOS NG MGA MARIKENO

893953671_4530991210503288_2694971877592798539_n.jfif

MARIKINA CITY — Ipinagmalaki ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang mayamang kultura at world-class na paggawa ng sapatos ng mga Marikeño sa pagbisita ng mga ito sa Shoe Museum nitong Biyernes, Nobyembre 6.

Pinangunahan nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang pagtanggap sa mga delegado mula sa 10 bansang ASEAN, kasama si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, chair ng ASEAN Socio-Cultural Community Council (ASCC).

Ayon kay Mayor Maan, isang karangalan para sa Marikina ang maipakita sa mga panauhin ang husay ng mga lokal na sapatero at ang kanilang world-class na produkto, kasabay ng pangakong patuloy na susuportahan ang libu-libong manggagawa at manufacturer upang palakasin ang industriya ng sapatos.

 862061108_1065951989800963_5732277236092258374_n.jfif

Sa pagbisita, nakita ng mga delegado ang may 800 pares ng sapatos sa Shoe Museum, kabilang ang malaking bahagi ng koleksiyon ng dating First Lady Imelda Marcos at mga donasyon ng mga kilalang personalidad.

Ipinakilala rin sa kanila ang kasaysayan ng industriya ng sapatos sa Marikina, mula sa tradisyonal hanggang sa makabagong pamamaraan ng paggawa nito.

Nasaksihan din ng mga delegado ang aktuwal na paggawa ng sapatos sa demonstrasyon ng mga beteranong sapatero ng lokal na brand na Zapateria.

890237576_2293768374749115_1715492880423552592_n.jfif

Pinuri naman ni Indonesian Minister at ASEAN ASCC representative Dr. Imam Machdi ang kasaysayan ng industriya ng sapatos sa lungsod at ang mainit na pagtanggap sa kanilang delegasyon.

Samantala, nagtalaga ng karagdagang puwersa ang Eastern Police District (EPD), sa pangunguna ni Director Brig. Gen. Roman Arugay, upang tiyakin ang seguridad ng mga bisita.

Bahagi ang pagbisita ng mga aktibidad bilang paghahanda sa ASEAN Summit na iho-host ng Pilipinas ngayong Nobyembre 16 hanggang 18, sa ilalim ng pamumuno nito bilang tagapangulo ng ASEAN sa 2026.

Marikina-110726

891188259_2389159311894385_4110489343790962352_n.jfif

Facebook Comments