CALOOCAN CITY — Arestado ang isang teller ng awtorisadong lotto outlet sa Caloocan City matapos mabuking ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at National Bureau of Investigation (NBI) na ginagamit ang lisensiya ng ahensiya bilang pantakip sa operasyon ng ilegal na sugal.
Isinagawa ang pagsalakay noong Miyerkules, Nobyembre 4, sa isang lotto outlet sa Block 1, Lot 7, Camarin Road, Almar, Caloocan City, ng mga operatiba ng PCSO at NBI Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD), sa pangunguna ni Chief Palmer U. Mallari.
Nadiskubre ang ilegal na operasyon matapos magsagawa ng surveillance at test-buy ang mga awtoridad. Napag-alamang nag-iisyu ang mga tauhan ng outlet ng hindi awtorisadong tiket at tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng GCash sa halip na gumamit ng opisyal na lotto terminal.
Agad na inaresto ang teller matapos mag-isyu ng ilegal na tiket sa mga undercover operative.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang P5,000 na perang pustahan, isang ilegal na tiket at cellphone na ginagamit sa pagtanggap ng bayad.
Kabilang din sa mga nakumpiska ang lotto terminal equipment, A10 PC monitor, central display unit, optical scanner, handheld barcode scanner, printer at network modem.
Narekober din ang 25 rolyo ng thermal receipt paper, pitong kahon ng ticket rolls para sa 3D Lotto, Grand Lotto 6/55, Super Lotto 6/49 at 6D Lotto, dalawang agent’s settlement form at talaan ng mga bayad at kanseladong tiket.
Muling iginiit ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang mahigpit na patakaran ng ahensiya laban sa mga accredited lotto outlet na umaabuso sa kanilang prangkisa upang magsagawa ng ilegal na pasugalan.
Ayon kay Robles, direktang napupunta sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at iba pang serbisyong pangkawanggawa ang perang nalilikom mula sa lehitimong PCSO games.
Aniya, ang mga operasyong gumagamit ng hindi awtorisadong tiket ay nagkakait sa publiko ng mga benepisyong pinopondohan ng kita ng ahensiya.
Dahil dito, pinaigting ng PCSO at NBI ang kanilang koordinasyon at pagbabantay sa mga awtorisadong lotto outlet upang mapangalagaan ang kita ng pamahalaan at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Hinimok din ng PCSO ang publiko na tumaya lamang sa mga lehitimong lotto terminal at ireport sa mga awtoridad o sa ahensiya ang mga outlet na tumatanggap ng bayad sa pamamagitan ng alternatibong payment applications o nag-iisyu ng kahina-hinalang tiket at resibo.