QC, PINANGUNAHAN ANG PAGPAPALAGO NG STARTUP INDUSTRY SA BANSA SA 8TH PHILIPPINE STARTUP WEEK 2026

306fed9e-f558-4c8b-adc9-61f59aa6ab9c.jfif

QUEZON CITY — Pinangunahan ng Quezon City Government ang pagbubukas ng apat na araw na 8th Philippine Startup Week 2026 (PHSW26) sa QC M.I.C.E. nitong Lunes, Nobyembre 9, upang palakasin ang inobasyon at pag-unlad ng mga startup o nagsisimulang negosyo sa bansa.

May temang “Beyond Borders: Filipino Startups Navigating Our Future,” layunin ng pagtitipon na pag-ugnayin ang mga negosyante, mamumuhunan, pribadong sektor, akademya, media at pamahalaan upang palawakin ang oportunidad para sa mga negosyong Pilipino.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Quezon City Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte na karangalan ng lungsod ang maging punong-abala sa pagtitipon. Binigyang-diin niyang nagsisilbing sentro ng oportunidad ang Quezon City na may mahigit 3.3 milyong residente, kung saan iniuugnay rin ang mga negosyante sa mga mamumuhunan at katuwang sa negosyo.

Inihayag din ni Belmonte ang paglulunsad ng Startup Business Market Plan at hinikayat ang mga innovator na samantalahin ang mga oportunidad upang maisakatuparan ang kanilang mga ideya.

c908be41-ade4-4ac7-99ec-bd6a40ea98fb.jfif

Samantala, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Robert Joseph De Claro na layunin ng pamahalaan na bigyan ang mga Filipino startup founder ng sapat na suporta, kagamitan at oportunidad upang mapaunlad ang kanilang mga negosyo.

Binigyang-diin niya ang pagsusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng suporta para sa mga Pilipinong imbentor at startup. Inihayag din niya ang paglulunsad ng website ng The Philippine Startup at ang pagkilala sa Philippine Startup Week bilang side event ng ika-49 ASEAN Summit na iho-host ng Pilipinas ngayong taon.

Hinimok ni De Claro ang mga innovator na ipagpatuloy ang kanilang mga ideya nang may determinasyon at tiyaking maayos na naidodokumento ang kanilang mga proyekto. Aniya, hindi kayang buuin ng pamahalaan lamang ang isang matatag na startup ecosystem.

8d218dbd-5413-488b-972e-5c8553e443eb.jfif

Binigyang-diin naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr. na hindi sapat na makapagsimula lamang ang isang startup kundi kailangan din itong mapalago. Binanggit niyang ika-66 ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa startup ecosystem at nagsisimula sa P600 milyon ang startup fund.

2406d03c-554e-4ce1-b488-307fc36ecb1a.jfif

Samantala, itinampok ni Department of Trade and Industry (DTI) Officer-in-Charge Engr. Carl Lyndon Bacolor ang kahalagahan ng Tatak Pinoy Act at hinikayat ang mga innovator at exhibitors na patuloy na makiisa sa pagpapalago ng startup industry sa bansa.

Magtatagal hanggang Nobyembre 12 ang Philippine Startup Week 2026 na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga negosyong Pilipino na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.

257f47cc-c5f3-4ef7-866a-f0ccedf6aa63.jfif

8b8496e8-25d3-4f71-a1a5-ea782d4b86ba.jfif

Facebook Comments