“DAPAT MAY BABALA” KAMPANYA, ITINULAK ANG FOOD WARNING LABELS PARA PROTEKTAHAN ANG MGA BATA

eac4d0a1-854a-43dd-a9b5-a46a3e17154d.jfif

QUEZON CITY — Hinimok ng mga health advocate at patient group ang Kongreso na gawing mandatory ang paglalagay ng front-of-pack warning labels sa mga nakapakete at naprosesong pagkain upang maprotektahan ang kalusugan ng mga batang Pilipino.

Inilunsad nitong Lunes (Nob. 9) ang nationwide campaign na “Dapat May Babala: Protecting Filipino Families through Front-of-Pack Warning Labels,” bago ang mga nakatakdang pagdinig ng Kongreso ngayong Nobyembre at Disyembre.

Ayon kay dating Health Secretary Dr. Jimmy Galvez Tan, mahalaga ang malinaw na babala sa harap ng mga pakete ng pagkain upang matulungan ang mga magulang na pumili ng masustansiyang pagkain para sa kanilang mga anak.

Binigyang-diin naman ni Dr. Aurora Muriel S. Gampiona ng Philippine Heart Association na dapat madaling makita at maunawaan ng mga mamimili ang impormasyong pangnutrisyon sa mga produktong pagkain.

96ed2499-a808-4d02-8f1d-d048e4d28d45.jfif

Sinabi ni Atty. Sophia San Luis, executive director ng ImagineLaw, na mayroon nang 121 mambabatas sa 20th Congress na may-akda o kapwa may-akda ng panukalang batas para sa mandatory food warning labels.

Layunin ng panukala na mabawasan ang pagkonsumo ng mga pagkaing mataas sa sodium, asukal at saturated fats na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.

Ayon kay San Luis, 25 porsiyento ng gastusin ng PhilHealth ay napupunta sa dialysis, habang tinatayang 13 milyon na Pilipino ang may hindi pa natutukoy na chronic kidney disease (CKD).

fe4cde23-f361-4a5d-a7ff-f5fd9659e6fe (1).jfif

Ibinahagi rin ni Franz Cabezudo ng ImagineLaw ang pangangailangan sa front-of-pack nutrition warning labels, habang sinabi ni CJ Luis ng PH Support Group Inc. na nakapaglunsad na rin sila ng website na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mga food warning label para sa kalusugan ng mga bata.

Hinimok naman ni Ralph Degollacion, convenor ng Healthy Philippines Alliance, ang publiko na direktang bumili ng mga pagkain mula sa mga magsasaka upang maisulong ang pagkakaroon ng masustansiyang pagkain.

Isinagawa ang paglulunsad bilang bahagi ng paggunita sa National Children’s Month upang isulong ang mas malusog na pagkain at protektahan ang mga pamilyang Pilipino.

 

Facebook Comments