10 RESOLUSYON PARA SA KAPAKANAN NG DEPED NON-TEACHING PERSONNEL, PINATIBAY

BAGUIO CITY — Pinagtibay ng Department of Education–National Employees Union (DepEd-NEU) ang sampung mahahalagang resolusyon para sa kapakanan, proteksiyon at propesyonal na pag-unlad ng mga non-teaching personnel sa ikalawang araw ng 18th National Congress and Seminar-Workshop noong Nobyembre 26 sa Crown Legacy Hotel.

Tampok sa mga talakayan ang reporma sa human resources, pagbangon ng pagkatuto ng mga mag-aaral, pagpapahusay ng mga pasilidad sa paaralan, karapatan ng mga kawani at pagkakaisa sa organisasyon.

Ibinahagi ni Albert Jerome Andres, OIC-Director III ng Bureau of Human Resource and Organizational Development (BHROD), ang mga reporma ng DepEd, kabilang ang Agency Optimization Plan, workforce development, mental health programs at pagpapatupad ng PRIME-ESG.

Tinalakay naman ni Dr. Mario M. Bermudez ng ARAL Secretariat ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na tumutulong sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbasa, matematika at agham, habang ipinaliwanag ni Architect Camille Raposa ang pinahusay na pamantayan para sa mas ligtas, accessible at climate-resilient na mga pasilidad sa paaralan.

Binigyang-diin ni Atty. Kemp Dela Santos ang pagsusulong ng karapatan, patas na sahod, seguridad sa trabaho, benepisyo at career development ng mga kawani. Hinikayat naman ni Dr. Rolando Dela Cruz, executive director at national president ng NAPSSHI, ang mas matibay na pagtutulungan ng mga school leader at non-teaching personnel sa ilalim ng adhikaing “One DepEd, One Mission.”

Bukod sa sampung resolusyong pinagtibay mula sa mga clustered assemblies, inaprubahan din ang mga panukalang maglalaan ng pondo para sa training at professional development, magtatatag ng career advancement framework, magdaragdag ng clerical personnel sa mga paaralan, mag-i-standardize ng Key Result Areas (KRAs) ng Administrative Officer II at magtataguyod ng pantay na oportunidad sa pag-unlad ng mga kawani.

Nagsagawa rin ng panunumpa ang mga bagong halal na opisyal ng DepEd-NEU Region I Chapter Divisions.

Nagtapos ang ikalawang araw sa Da Boy and Da Girl Coronation Night kung saan nagwagi ang mga kinatawan ng Region V sa pangunahing mga titulo. Iginawad din ang mga espesyal na parangal na Best in Regional Costume, Best in Talent at People’s Choice Award, na nagbigay-diin sa talento, pagkakaisa at samahan ng mga delegado.

Facebook Comments