ni: Estrella Z. Gallardo

 

Isang pag-aaral ang isinasagawa upang matukoy ang mga uri ng halaman na maaring gamitin bilang biopesticide.

Ang pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology ay may titulong Screening Indigenous Plants as Biopesticides and Product Development for Vegetables and Sugarcane Pests and Diseases (SIPBIO).

Ang biopesticide, na tinatawag ding biological pesticide, ay mga pestisidyo na galing sa mga natural na materyales gaya ng hayop, halaman, bakterya, at mga mineral.
Layon din ng pag-aaral na makagawa ng mga produkto mula rito para sa peste at sakit ng mga halamang gulay at tubo.

Sa kasalukuyan ay may malawakang pagtanggap sa pagsasama sa teknolohiya ng biopesticides sa crop protection dahil ito ay mas mura, di nakakapinsala sa kapaligiran, at isang mahusay na alternatibo sa tradisyunal na pestisidyo na mabibili sa mga pamilihan.

Sa ilalim ng proyekto, magkakaroon ng pagtataya at pagsusuri sa mga lokal na uri ng halaman na may potensiyal na magamit bilang biopesticide. Sa paraang ito, malalaman ang kanilang active component at makagagawa ng kaukulang biopesticide products.

Inaasahan na sa pamamagitan ng proyekto ay makagagawa ng mas murang uri ng pestisidyo para sa mga magsasaka ng Bukidnon. Ang pag-aaral ay isinasagawa nina Dr. Victor B. Amoroso at Dr. Florfe M. Acma, mga mananaliksik ng Central Mindanao University (CMU).

Ang lalawigan ng Bukidnon, kung saan matatagpuan ang CMU, ay itinuturing na food basket ng Northern Mindanao. Nagsisilbing pangunahing produkto ng lalawigan ang mga gulay gaya ng kamatis, kalabasa, kamote, luya, repolyo, ampalaya, at talong, ganon din ang tubo. Dahil dito, mahalaga ang pag-aaral upang masiguro ang katatagan ng supply sa nasabing lugar. (PScijourn MegaManila)